Kawawang motorista

WALANG duda na ang isang sektor na pinakakawawa dito sa ating bansa ay ang mga motorista.

Bugbog na nga sila sa walang habas na pagtaas ng presyo ng gasolina at derivative oil products, pati na rin ng piyesa ng mga sasakyan, pero maraming bagyo pa ang parating sa kanilang buhay. Hindi pa nakuntento si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares at daragdagan pa niya ang mga hagupit na tinatanggap ng mga motorista.

Dangan kasi ay desidido siya na ituloy ang implementasyon ng dagdag na 12 porsiyento na value added tax para sa mga motorista na daraan sa lahat ng toll ways sa buong bansa.

At pag pinag-usapan ang toll ways ang pumapasok sa isip ng mga tao ay ang Northern Luzon Expressway, Subic-Clark Tarlac Expressway, Southern Luzon Expressway at STAR Tollways.

Sila lang naman ang pinakamalalaking expressways sa buong bansa at dinaraanan ng daang libong bilang ng mga motorista at milyon-milyong halaga nang mga kalakal araw-araw.

Mataas na nga ang bayad sa toll ways na umaabot sa daan-daang piso depende sa distansya ng biyahe, pero hindi pa nasiyahan sa pahirap na ito si Henares at talagang ihahampas pa niya ang 12 porsiyentong buwis.

Sa madaling salita dagdag parusa na naman ito.Tsk! tsk! Bakit kaya kailangang puro pera ang maging batayan para lang masabi na nagta-trabaho ang mga tao sa gobyerno? Basta nagpapasok ka ng pera sa kabang-bayan, kesehoda na pinahihirapan mo ang milyon-milyon mong kababayan.

Sa isang panayam sa radyo, ay narinig ko si Senador Ralph Recto, ang taong responsable sa paglikha ng VAT law, na sinasabing hindi kasama sa

listahan ng mga taxable services ang toll ways. Pero tila balewala kay Henares ang argumento nang mga tumutuligsa sa implementasyon ng VAT.

Kahit pa nga batid naman niya na labag ito sa Republic Act (RA) 8424 na mas kilala sa Comprehensive Tax Reform Act of 1997 at hindi din naman ito sakop ng RA 7716, na tinatawag din na Expanded VAT Law.

Ang importante at tinitingnan lang niya ay ang halos P3 bilyon na kikitain ng gobyerno mula dito kada taon.

Kawawa naman talaga ang mga motorista. Siyanga pala balita ko ay hindi naaabot ng BIR ang target collections nito ngayong taon. Kaya naman

pala ang mga motorista na naman ang ginawa nitong gatasan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply