Tigil-pasada sa Bicol itinakda sa Agosto 31

NAGHAHANDA na ang sektor ng transportasyon sa Bicol sa pagdaraos ng region-wide transport strike sa Agosto 31.

Ayon kay Tessa Lopez, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Bikol, layunin ng kilos-protesta na kalampagin ang gobyerno upang aksyunan nito ang kahilingang “big-time rollback” ng mga produktong petrolyo ng malalaking kumpanya ng langis sa bansa.

Ayon kay Lopez, sobra na ng P9 ang presyo ng mga produkto ng “Big 3,” na binubuo ng Petron, Chevron at Shell.

Inakusahan nito ang mga dambuhalang kompanya ng  langis na mabilis pa sa alas-kwatro kung magtataas ng presyo ng kanilang produkto, ngunit makupad pa sa pagong kung dapat nang mag-price rollback.

Hiling din nila na alisin ang 12-percent VAT sa mga produktong petrolyo at ang pagbasura ng Oil Deregulation Law.

Iginiit naman ni George San Mateo, secretary general ng Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) na monopolyo na naman ang panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay San Mateo, halatang nagsabwatan na naman ang mga oil company para magpatupad ng sobrang taas ng presyo samantalang bumaba ang presyo ng petroleum products sa pandaigdigang merkado.

Iginiit nitong imposibleng tumaas ang presyo ng langis sa panahong lugmok ngayon ang ekonomiya ng Estados Unidos at mababa ang demand sa langis. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply