Koko Pimentel aanib sa Senate majority bloc

PLANO ni incoming Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na sa grupo ng mayorya ng Senado umanib para makasama si Sen Sergio Osmeña III, na kapartido niya sa PDP-Laban.

Magsisimulang pumasok sa Senado sa Lunes si Pimentel matapos iproklama ng Senate Electoral Tribunal (SET) kahapon bilang nanalong senador noong 2007 elections.

Nabigyan-daan ang proklamasyon ni Pimentel matapos magbitiw sa Senado si Juan Miguel Zubiri, ang kanyang karibal sa ika-12 at huling puwesto sa 2007 senatorial race.

Karaniwang kaalyado ng administrasyon ang mayorya sa Senado. Nais umano ni Pimentel na suportahan ang gobyerno ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, ang grupo ng minorya sa Senado ay pinamumunuan naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Matapos maiproklama ng SET nitong Huwebes, ginawa naman ang kanyang panunumpa sa Davao Oriental kung saan siya nakakuha ng pinakamalaking boto noong 2007 elections.

Ayon pa sa bagong senador, nais niyang tutukan ang reporma sa halalan upang wala na umanong kandidato na matulad sa kanya.

Nais din ni Pimentel na maparusahan ang mga taong nagsasagawa ng pandaraya sa halalan.

Tatapusin na lamang ni Pimentel ang natitirang termino na iniwan ni Zubiri hanggang June 30, 2013. Gayunman, maaaring tumakbo muli si Pimentel at maging si Zubiri – sa senatorial race sa 2013 midterm elections.

Iprinoklama ng SET si Pimentel na nanalo sa 2007 elections matapos lumitaw sa isinagawang recount na lumamang siya ng 250,000 boto laban
kay Zubiri.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply