Koko Pimentel malabo pa sa Senado — Comelec

IPINAHAYAG ng Comelec na sa kabila ng pagbibitiw ni Sen. Juan Miguel Zubiri ay hindi pa maaaring makaupo sa Senado si Atty. Koko Pimentel.

Si Pimentel ang nasa ika-13 puwesto sa senatorial list ng mga nangunang kandidato noong 2007 elections.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, batay sa rules, kinakailangan muna na maideklara ang bakanteng puwesto sa Senado upang makapagpatawag ng special elections.

Pero malabo aniya ito dahil sa election protest sa pagitan nina Pimentel at Zubiri.

Ipinaliwanag ni Jimenez na sa ngayon ay kinakailangang madaliin ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang pagresolba sa election protest para matukoy kung sino kina Zubiri at Pimentel ang tunay na nagwagi noong 2007 elections.

Sakali aniya na si Zubiri ang ideklarang panalo ay mananatiling bakante ang iniwan nitong puwesto sa Senado.

Kung si Pimentel naman aniya ang ideklarang manalo ay saka pa lang ito makakaupo sa puwesto.

Dagdag pa ni Jimenez, dapat magpalabas ng malinaw na pahayag ang SET kung ano ang magiging estado ng election protest sa pagitan nina Pimentel at Zubiri.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply