Lastimosa bida sa panalo ng Blazers

PINEKEAN ni Carlo Lastimosa ang bantay niyang si Alex Almario upang itarak ang winning layup para sa College of Saint Benilde Blazers kontra Jose Rizal U Heavy Bombers, 78-77 sa 87th NCAA seniors basketball competition sa The Arena sa San Juan kahapon, Miyerkules.

Lamang ng isang puntos ang Heavy Bombers, 77-76, may 9.3 segundo na lamang ang nalalabing oras sa final canto, hindi nagdalawang-isip si Blazer guard Lastimosa na ideretso ang bola sa ring matapos nitong gamitin ang screen ng dalawa niyang kakampi at sabay fake para isalpak ang winning basket.

“Hindi ko na ipinasa ‘yung bola tutal play din naman namin yun.” wika ng pamangkin ng dating PBA rookie of the year at star player Jojo Lastimosa.

Nangalabaw ng 30 puntos, apat na rebounds at tatlong assists ang 20-anyos na si Lastimosa upang tulungan ang koponan na mapaganda ang kanilang team standing na ngayon ay may 3-3 win-loss card.

May natitira pa rin 5.2 segundo matapos ibuslo ni Lastimosa ang huling puntos para sa Blazers subalit dahil sa matulis na pasa ni Heavy Bomber Raycon Kabigting kay Ronnel Carampil ay lumusot lamang sa kamay ng huli ang bola.

Tangan ngayon ng JRU ang 2-4 panalo-talo baraha.

Samantala, binuslo ng San Sebastian College Stags ang kanilang pang-anim na panalo nang gapiin nito ang Emilio Aguinaldo College Generals, 77-70.

Kasalo ng Stags ang defending champions San Beda College Red Lions na may 6-0 slate habang ang EAC ay may 2-3.

Sa juniors division, nagwagi rin ang Junior Blazers laban sa Light Bombers, 75-54 upang itarak ng una ang 6-1 card.

Nakatakdang mag-harap bukas, Biyernes, ang Letran Knights at Lyceum of the Philippines Pirates sa ganap na alas-dos ng hapon habang makahaharap ng Red Lions ang Mapua Cardinals sa main game.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply