Legarda: Dapat may sistema sa pagpapauwi ng OFWs galing Syria

NANAWAGAN si Senate committee on foreign relations chairman Loren Legarda sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magpatupad ng sistema upang madaling makalabas ng Syria ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan doon.

Ayon kay Legarda, mahalagang may malinaw na plano at resources ang DFA lalo na kapag lumala pa ang sitwasyon sa Syria.

Iminungkahi rin ng senadora ang pagtatalaga ng embahada ng Pilipinas ng Forward Coordination Centers (FCC) na magbibigay ng impormasyon at magsisilbing kanlungan ng mga Pilipinong nagnanais nang makabalik ng bansa.

Paliwanag ni Legarda, mahirap kumbinsihin ang mga OFWs doon hangga’t hindi nila naiintindihan ang tunay na sitwasyon sa Syria.

Samantala patuloy ang pagsusumikap ng Embahada ng Pilipinas sa Syria para mapauwi ang mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan.

Sinabi ni Philippine Ambassador to Syria Ambassador Wilfredo Cuyugan, may 20 mga overseas Filipino workers (OFWs) ang nagtatanong ng proseso sa ginagawang repatriation.

Bagama’t wala pang pinal na pahayag, hinimok nila ang mga OFWs na magdesisyon agad kung balak nilang umuwi sa Pilipinas.

Una rito, tumulak na papuntang Syria ang quick response team ng Department of Foreign Affairs (DFA) para pangasiwaan ang gagawing voluntary repatriation sa mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Syria.

Mismong sina DFA Usec. for migrant worker affairs Esteban Conejos at DFA executive director for migrant worker affairs Ricardo Endaya ang tutulong sa mga Pinoy.

Ayon kay Conejos, sapat umano ang pondo ng pamahalaan para sa pagpapauwi ng mga OFWs. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply