Libre buwis sa music industry pasado na sa Kamara

PASADO na sa ikatlong pagbasa sa Kamara ang panukalang maglilibre sa buwis, maglalaan ng subsidiya sa lokal na industriya ng musika at himukin ang pagpapalakas ng mga orihinal na musikang Pilipino upang maihanay sa pandaigdigang kumpetisyon.

Ang panukala ay inihain sa ilalim ng House Bill 4443 nina Bayan Muna Rep. Teddy Casiño at Taguig City Rep. Sigfrido Tinga na nagnanais na paamyendahan ang Republic Act 7160 o Local Government Code upang malibre ang mga musikang pop, rock at kahalintulad na konsyerto na nagtatanghal ng mga Pilipinong mang-aawit at kompositor, sa pagbabayad ng amusement tax.

Ayon kay Tinga, ang sobrang buwis sa kanilang gross income ang labis na nagpapahirap sa industriya ng lokal na musika na makipagtagisan sa mas mayayaman at mas suportadong dayuhang musikero.

Layunin din ng panukala na ilaan ang kita sa amusement tax mula sa mga konsyerto at iba pang kahalintulad na presentasyon, sa mga workshop ng local theater musicals o workshops at mga pagsasanay para sa mga local artists at mga kompositor upang makalikha pa ng mga orihinal na awiting Pilipino.

Pangungunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa tulong ng National Commission for Culture and the Arts at iba’t ibang organisasyon sa industriya ang pamamahala sa batas.

Ilan sa mga may-akda ng panukala ay sina Batangas Rep. Hermilando Mandanas, Leyte Rep. Lucy Gomez, Marikina Rep. Romero Quimbo, PL-AVE Rep. Eulogio Magsaysay, Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento at Iloilo Rep. Jerry Treñas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply