Lolo utas sa most wanted criminal ng Muntinlupa

ISANG negosyanteng lolo ang namatay matapos barilin sa ulo ng malapitan ng isang lalaki na isa sa mga most wanted criminals sa lungsod ng Muntinlupa Sabado ng umaga, Agosto 20.

Kinilala ang biktimang si Romeo Cabiling, Sr., 53. Dead on arrival ito sa Alabang Medical Center sanhi ng tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up ang mga pulis laban sa suspek na si Manny Picardal “alias Didong,” nakatira sa #180 San Guillermo street, Barangay Putatan ng nabanggit na siyudad.

Itinuturing ito na isa sa mga most wanted criminals sa nabanggit na lugar dahil sa kaso nitong murder na nakabinbin ngayon sa Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 206.

Ayon sa imbestigasyon ni SP01 Rodel Torres, ng Station Investigation Division (SID), Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng umaga malapit sa bahay ng biktima sa kahabaan ng Ilaya Street ng nabanggit na lungsod.

Walang kamalay-malay ang biktima na iyon na pala ang oras ng kanyang kamatayan kung saan biglang sumulpot sa harapan nito ang suspek na armado ng baril at walang sabi-sabi itong pinaputukan sa ulo
ng malapitan.

Duguang bumulagta ang biktima at ang suspek naman ay mabilis na tumakas at sumakay sa isang tricycle.

Isinugod sa nabanggit na pagamutan ang biktima ng kanyang mga kaanak subalit hindi na ito nakarating ng buhay. Patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply