Makati Fire Station pinutulan ng kuryente

LITERAL na nangangapa sa dilim ang punong tanggapan ng Makati Fire Station, pati na ang lahat ng kanilang sub stations matapos putulan ng suplay ng kuryente ng Meralco bunga ng napakalaking pagkakautang.

Kanina ay dumulog na sa media ang mga kagawad ng pamatay sunog upang iparating kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo ang kanilang karaingan hinggil sa kawalan ng suplay ng kuryente sa lahat ng kanilang tanggapan sa Makati city.

Napag-alaman na umaabot sa P4.5 milyon na ang hindi nababayarang bill ng nakonsumong kuryente sa mismong punong tanggapan pa lamang ng Central Fire Station sa kanto ng Ayala at Gil Puyat Avenue na itinuturing pa naman na Business Center.

Ayon sa mga bumbero, ang punong tanggapan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na pinamumunuan ni Gen. Rolando Bandilla, Jr. ang dapat na bumalikat ng bayarin ng kanilang kuryente subalit hindi umano naasikasong bayaran kaya lumobo nang husto ang kanilang pagkakautang na nagresulta sa pagkakaputol ng supply kahapon.

Nangangamba ang mga miyembro ng Makati Fire Station na hindi nila matugunan ng maayos ang iba’t ibang mga usapin na may kaugnayan sa pag-iimbestiga sa mga nangyayaring insidente ng sunog at iba pang mahahalagang tungkulin sanhi ng kawalan ng supply ng kuryente.

Kung hindi aniya matutugunan kaagad ang naturang problema ay posibleng malagay sa alanganing sitwasyon ang Makati city na maituturing pa namang isa sa pinakamaunlad na lungsod sa bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply