Mancao tumanggap ng P150M noong 2010

TUMANGGAP ng P150 milyon noong nakaraang taon ang pangunahing testigo sa Dacer-Corbito double murder case na si dating Sr. Supt. Cezar Mancao II.

Ibinunyag ito ni Sen. Panfilo Lacson sa pagdinig ng Senate committee on finance sa panukalang budget ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa taong 2012.

Inusisa ni Lacson si AMLC Executive Director Vicente Aquino kung alam niya ang account number 002150-086-06 kung saan pumasok ang tsekeng nagkakahalaga ng P150 milyon.

“The transaction was made in favor of Cesar Ochoco Mancao II,” paglalahad ng senador kay Aquino.

Hindi naman binanggit ni Aquino kung peke o hindi ang account number na iprinisinta ng senador pero nangako itong sisiyasatin ang bagay na ito.

Ayaw munang banggitin ng senador kung saan nanggaling ang tsekeng nagbigay ng malaking biyaya kay Mancao maliban sa pagsasabing “abangan ang susunod na kabanata.”

Si Mancao ay dating intelligence officer ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force(PAOCTF) na pinamumunuan dati ni Lacson.

Kinuhang testigo ng administrasyong Arroyo si Mancao sa kaso ng pagpatay kina publicist Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000 kung saan idinawit nito si Lacson.

Napilitang magtago sa ibang bansa si Lacson noong Enero 5, 2010, ilang araw bago isinampa ng Department of Justice (DOJ) ang double murder case laban sa senador pero nitong Marso ay bumalik din ito sa bansa via Cebu matapos ibasura ng Court of Appeals(CA) ang double murder case nito at ang kaakibat na arrest order.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply