Manila City Hall employees umaalma vs Mayor Fred Lim

MARAMING empleyado ng Manila City Hall ang palihim na nagagalit kay Mayor Fred Lim.

Nadiskubre ko ito nang isa sa kanila ay nakipag-ugnayan sa akin kamakailan lang at ipinahiwatig ang kanilang saloobin laban sa alkalde.

Ugat ng kanilang hinaing ay ang naunsiyaming financial assistance (FA) na nagkakahalaga ng P2,500 kada buwan na hanggang ngayon ay hindi pa maipagkaloob ni Mayor Lim matapos maaprubahan ito ng konseho at mabigyan ng kaukulang pondo sa ginanap na budget hearing noong 2009.

Ang nasabing budget hearing ay isinasagawa mula Agosto hanggang Nobyembre kada taon upang talakayin ang pondo ng lungsod para sa susunod na taon.

At dahil aprubado nga ng konseho sa bisa ng isang ordinansa ang naturang tulong-pinansyal, nakatakda sanang tumanggap ang nasabing mga empleyado ng kanilang FA mula pa noong Hulyo hanggang Disyembre nitong nagdaang 2010 ngunit hanggang ngayon ni “singkong duling” ay wala pa silang nasisilayan.

Nangako naman daw ang butihing alkalde na sa kalagitnaan ng taong ito ay ipagkakaloob na niya ang FA ng mga empleyado subalit papatapos na ang buwan ng Agosto ay hindi pa rin sumasayad sa palad nila ang tulong-pinansyal.

Tulad ng inaasahan, pangako na naman ang muling nadinig nila sa butihing alkalde. Sa buwan ng Disyembre ng kasalukuyang taon nila matatanggap ang kanilang FA.

Hindi naman tinukoy kung mula Hulyo 2010 hanggang sa pagtatapos ng 2011 ang kabuuang halaga na matatanggap ng kada regular na empleyado ng City Hall. Ang ipinagtataka lang nila ay kung bakit nade-delay ang kanilang FA gayung nilagyan ng konseho ng karampatang pondo ito?

Tanong nila sa kanilang alkalde ay kung saan ba napunta ang pondo ng kanilang FA? Nagalaw ba ito kung kaya’t puro pangako na lamang ang naririnig nila mula kay Mayor Lim?

Hindi naman maibahagi ng mga empleyado ang kanilang saloobin sa alkalde dahil sobra ang takot nila sa ama ng lungsod. Baka nga raw mawala agad sila sa mundong ibabaw! Sa pagkakaalam ko, hindi naman ganun ang butihing alkalde lalo pa’t ngayo’y nasa “twilight years” na siya, ‘ika nga. Maaaring may sapat na dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa maibigay ang FA ng mga empleyado.

Maaring kulang sa pondo ang lungsod dahil sa pagkakaalam ko ay kinapos ang koleksyon nito sa buwis nitong nagdaang taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply