Manila City Hall kinalampag ng mga deboto ng Black Nazarene

DAANG-DAANG deboto ng Black Nazarene ang dumagsa Biyernes ng hapon sa Manila City Hall para samahan si Quiapo Church Rector Monsignor Clemente Ignacio na kalampagin ang tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim hinggil sa pagsugpo ng mga nagbebenta ng pampalaglag na “cytotec” sa bisinidad ng simbahan.

Pinangunahan ni Ignacio ang kilos-protesta dakong alas-2:30 ng hapon mula Quiapo Church patungong Manila City Hall kasama ang mga deboto at volunteer ng Itim na Nazareno, para hilingin na sugpuin ang pagbebenta ng abortive pills, hindi lamang sa Quiapo kung hindi sa buong Maynila.

Pinatututukan ni Ignacio sa city hall ang mga “supplier” ng cytotec sa Quiapo upang mahuli ang mga ito at nang maubos na ang mga nagbebenta ng pampalaglag.

Ani Ignacio, ginagamit na “front” sa pagbebenta ng mga abortive pill ang mga nagtitinda ng mga herbal medicine sa paligid ng simbahan.

Naniniwala naman ang pamunuan ng simbahan sa kakayahan ni LIm para pigilan ang bentahan ng cytotec pills sa lugar.

Gayunman, nagpahayag si Ignacio ng pagkadismaya sa kapulisan at opisyal ng barangay para masugpo ang laganap na bentahan ng cytotec.

Kinalampag din ni Ignacio ang City Council para bumuo ng City Ordinance laban sa bentahan ng pampalaglag at ang pagbuo ng Anti-Cytotec Task Force.

Tiniyak naman ni Chief of staff at media bureau chief  Ric de Guzman na gagawa ng kaukulang aksiyon ang lokal na pamahalaan para masawata ang pagbebenta ng “cytotec” sa Maynila.

Nagpahayag naman ng suporta si Insp. Von Pozzel, hepe ng PCP Plaza Miranda, at sinabi nito na patuloy pa rin ang kanilang panghuhuli sa mga vendor na nagbebenta ng abortive pills.

Una rito, binantaan na ni Lim ang mga opsiyal ng Manila Police District (MPD) na nakatalaga sa Quiapo area, na sisibakin sila sa tungkulin kapag nabigong masawata ang pagbebenta ng pampalaglag sa paligid ng Quiapo Church.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply