Marian naging nega dahil sa lalaki

MADALI naman sanang intindihin ang ugali ni Marian Rivera na sobra siyang magmahal sa lalaki. Hindi lang naman niya iyan pinatutunayan ngayong si Dingdong Dantes ang kanyang boyfriend. Napatunayan niya na rin ‘yan sa panahong si Ervic Vijandre pa lang ang kanyang karelasyon dahil nagtagal din sila. Pero ang mahirap intindihin sa kanyang ugali ay kung bakit parang makikipaglaban siya ng away at patayan kapag boyfriend na niya ang medyo nali-link sa ibang babae. Para siyang maaagawan ng lalaki, huh?

Ilang beses na bang ipinagtanggol ni Dingdong si Marian at ilang ulit na rin bang ipinagsigawan ng guwapong actor na walang nagbabago sa kanyang pagmamahal sa babaing warfreak.

Hindi pa ba siya nakukuntento sa mga pinatutunayan sa kanya ng kanyang boyfriend?  Nagpatulong na nga si Dingdong kay Manay Lolit Solis para gumanda ang PR ni Marian nu’ng panahong Negastar siya dahil sa rami ng intriga tungkol sa reyna daw ng GMA-7. Ang kaso, hanggang ngayon, nagiging nega pa rin siya dahil lang sa lalaki. Hindi pa kaya siya tinatalakan ni Manay Lolit ng kanyang pamosong linyang: “Ang cheap ng mga artistang nakikipag-away nang dahil lang sa lalaki!”

Masyadong sakim si Marian. Wala pa siya sa buhay ni Dingdong ay okey lang at gasgas na sa buong showbiz na pinupuri at kinikilig ang mga kababaihan sa kaguwapuhan ni Dingdong. Ganu’n lang.

Nu’ng panahon ngang si Karylle ang karelasyon ni Dingdong ay bumubungisngis lang ng tawa ang anak ni Zsa-Zsa Padilla kapag nalalaman niyang kinikilig kay Dong ang mga kababaihan sa paligid nila. Pero si Marian, iba ang dating sa kanya kapag mayroong magandang babaing pumuri sa mga katangian ni Dingdong.

Ano ba ‘yan?

***

NAKORNER namin ang baguhan at guwapong young actor na si Enrique Gil sa grand presscon na ipinatawag ng Star Cinema para sa pelikulang “Way Back Home” kaya naman nagkaroon siya ng pagkakataon na makapagbigay-linaw tungkol sa isyung diumano’y madamot siya sa fans kapag mayroong lumalapit para magpa-picture.

Nabalitang hinahabol na siya ng fans na nagtitinda sa compound ng ABS-CBN pero mabilis naman siyang tumakbo at parang ayaw magpa-picture kasama sila.

Marami ang nagtampo kay Enrique. Nagkaroon nga siya ng image na suplado. Marami na nga ang naiilang na lumapit sa kanya lalo pa’t masyado siyang tisoy sa personal. Napakaguwapo nga raw niya, pero hindi naman maganda ang ugali sa mga fans.

“Nalungkot nga po ako nang malaman ko ang tungkol sa balita na ‘yan. Pero hindi naman po totoo na nagsuplado ako at takot sa fans. Gusto ko naman po siyempre na mapagbigyan sila lahat na makapagpa-picture kasama ko.

“Kaya lang, nu’ng time po na ‘yon, bigla akong hinila ng handler ko dahil kailangan na daw po ako sa studio. Babalikan ko naman po sana ‘yung fans, pero hindi na ako nakabalik. Babawi na lang po ako next time,” wika ng guwapong bagets.

Maging si Direk Jerry Lopez Sineneng ay nagpapatunay na wala raw attitude problem si Enrique pagdating sa trabaho. “Wala siyang reklamo kahit abutin kami ng magdamag sa shooting. Alam niya na naroon siya dahil trabaho iyon, kaya naka-ready siya.  “Mabait din naman siya sa mga tagahanga niya na dumadalaw sa shooting. Kaya nararamdaman kong magtatagal siya sa showbiz,” wika ni Direk.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply