Mayor Herbert, pakigising ang natutulog na QCPD

SA sunod-sunod na nagaganap na krimen sa Quezon City, ay dapat na sigurong kumilos at umaksiyon dito hindi lang si Quezon City Police District Director George Regis, kundi maging si  Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista.

Nitong buwan ng Agosto ay sunod-sunod ang krimen dito sa QC at sa katunayan noong araw ng Miyerkules lang ay maraming krimen ang naganap  dito at dalawang bangkay ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar.

Isinisi ng mga residente ng lungsod Quezon ang kakulangan daw ng  mga mobile patrol sa kalye at mga naka unipormeng pulis.

Mayroong 180 marked vehicle ang QC, ipagpalagay nang 100 o 150  lang dito ang ilatag o ipakalat sa kalye at ang natitira ay service na lang ng mga abusadong opisyal, siguro naman ay matatakot ng gumawa ng krimen ang mga criminal dahil may mga nakikitang umiikot na mobile patrol.

Noong mga nakalipas na taon ay problema ng QCPD ang mga mobile patrol, nagkaroon ng maraming mobile cars ang QCPD ng magkaroon ng maraming mobile cars ang command  ay naging problema naman ang gasolina, ngayong may mobile car at gasolina na, ang problema naman daw ay ang manpower o tao.

Bakit magiging problema ang manpower, hindi ba may 2,766 na mga pulis at 104 na OJTs ang QCPD?

Ipagpalagay nang 766 na pulis ang nasa opisina at  ang 2,000 ang ipakalat sa labas palagay ko naman ay sobra sobra na ang bilang na ito.

At kung manpower ang problema, bakit hindi na lamang ilagay sa ilalim ng District Public Safety  Battallion (DPSB)  ang mobile patrol para magkulang man ng tao ay maraming  puwedeng pamalit.

Bukod sa magaling na opisyal  ang  hepe ng DPSB na si Supt. Gerry Ratueta, ay mayroon itong 300 tauhan kung kaya hindi na siguro magiging problema ang manpower.

Kung natatandaan nyo Gen. Regis, Sir, noong kapitan  ka pa at hepe ng mobile patrol ng QCPD,  ay bibihira  ang krimen dahil lahat ng mobile patrol mo ay nasa labas.

Siguro naman, ngayong QCPD Director ka na ay lalo mong magagawa  ang gusto mo,  gawin mo yung ginawa mo noong ikaw pa ang hepe ng mobile patrol ng QCPD.

Ipakita mo, General, na karapat-dapat ka sa puwesto mo dahil hindi naman kaila sa’yo na maraming naghahangad  na mamuno  o maging District Director ng QCPD at dahil sa magaling kang opisyal ay ipinagkatiwala sa iyo ng PNP at ni QC Mayor Herbert Bautista ang lungsod Quezon.

Dati ang QC ang carnap capital ng bansa, ngayon ay hindi lang carnap kundi crime capital na rin dahil sa sunod-sunod na malalaking krimen.

Siguro panahon  na rin para kumilos hindi lang si QCPD Dir. George Regis kundi maging si QC Mayor Herbert  “Bistek” Bautista.

Mayor, marami ang nagsasabi na kayo raw ang pinakatamad na alkalde sa buong bansa. Puwes patunayan nyo, Mayor Bistek, na hindi ito totoo, pukpukin nyo at pakigising sa kanilang mahabang pagkakahimbing ang pamunuan ng QCPD at baka sakaling magising at sa ganun ay manumbalik ang tiwala ng tao sa inyo at sa mga awtoridad.

oOo

BINABATI ng Lily’s Files ang  bagong pamunuan ng AKBAYAN District 4 na magsasagawa rin ng kanilang General Assembly ngayong (Sabado) ganap na ala-1:00 ng hapon sa may Dona Josefa Jara Martinez  High School sa may Brgy. Tatalon, Quezon City. Inaasahang  dadalo sa nasabing general assembly  ang mga kilalang mga personalidad sa larangan ng pulitika.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply