Media pinapurihan ni Mayor Lim

KUNG walang media hindi mabubulgar ang maling gawain ng public servant. Ito ang papuri ni Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa ginampanang papel ng mga mamamahayag sa paghubog ng lipunan at kapalaran ng mamamayang Filipino na tinamasa sa bansa ngayon.

Sa ika-161st birth anniversary ng bayaning si Marcelo H. del Pilar na ginunita sa kanyang monumento na itinayo sa Remedios Circle kanina (Miyerkules, Agosto 31), pinangunahan ng alkalde ang wreath-laying ceremony at commemorative program.

Ito ay dinaluhan ng mga opisyal ng Manila City Hall, barangay officials, ilang kamag-anak mismo ni Del Pilar.

Dumalo rin ang mga opisyal at miyembro ng Samahang Plaridel, Inc. (SPI), isang organisasyon na binubuo ng mga beteranong journalist, columnists at editors na pinamumunuan ni Rollie Estabillo, dating presidente ng National Press Club na si Marcelo Lagmay at ang dating press secretary nitong si Rod Reyes.

“Kayong mga taga-media ang nagpaparating sa mga tao ng mga kalokohan ng taga-gobyerno. Kung wala kayo, walang mangyayari sa ating lipunan. Kaya naman kami ay tungo ang ulo at sumasaludo sa inyo na mga tunay na nakikibaka at naninindigan alang-alang sa katotohanan,” sabi ni Lim.

Hinahangaan din ni Lim ang tapang ng mga taga-media sa paglaban sa mga panganib na kanilang kinakaharap sa pagtupad ng kanilang tungkulin kabilang na ang isinasampang libelo sa kanila.

“Yung mga nagdedemanda ng libel, nagbabangong-puri lang ang mga yun. Pero alam nila kung ano ang totoo. It is unfair to shoot the messengers.  Messengers lang naman ang media sa pagsisiwalat ng katotohanan. Ang dapat sisihin, `yung gumagawa ng kalokohan,” ayon pa sa alkalde.

Kabilang din sa pinapurihan ng alkalde ang grupo ni Estabillo, dahil nailipat sa mas magandang lugar ang monumento ni Del Pilar na dating nakalagay sa Manila Zoo na hindi gaanong napapansin ng publiko.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply