Mga abogado sa Maguindanao Massacre sinabon ng hukom

HINDI na nakapagtimpi pa ang hukom na humahawak sa Maguindanao Massacre case kaya sinabon o sinermunan ang mga abogado dahil umano sa kakulitan ng mga ito.

Tila umaasta na kasing hukom ang naturang mga abogado nang magpalitan ng akusasyon ang magkabilang-panig ng pagsisinungaling at pagtatago ng impormasyon sa korte.

Dahil dito, umakyat ang dugo sa ulo ni Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes at sila ay pinagalitan.

Binatikos kasi ni Atty. Sigfrid Fortun, abogado ng principal suspects na sina Andal Ampatuan Sr., at Andal Ampatuan Jr., si Prosecutor Nestor Lazaro dahil sa hindi nito pagpapabatid sa depensa, habang isinasagawa ang direct examination, na naghain ng affidavit ang testigong si Corporal Zaldy Raymundo.

Bilang tugon, sinabi ni Lazaro sa korte na walang katotohanan ang pahayag ni Fortun at nagtatago rin ito ng ebidensiya.

Ito ay sinagot ng huli na nagsabing ang taga-usig ang mas nagsisinungaling at mas nagkukubli ng ebidensiya.

Sa ganitong punto ay namagitan ang hukom at ipinaliwanag na namarkahan na ng korte ang affidavit ni Raymundo noon pang ang unang grupo ng prosecution panel ang taga-usig sa pamumuno ni Assistant State Prosecutor Richard Fadullon.

Karapatan umano ng prosekusyon na huwag sabihin sa direct examination kung may affidavit ba ang saksi o wala.

Nagtangkang magsalita si Atty. Paris Real, isa pang abogado ng prosekusyon, ngunit tinuro at sinigawan siya ni Reyes ng: “No! No! I will not allow you (to speak).”

Nabatid naman kay Real na nais lamang niyang sabihin kay Judge Reyes na ang kanyang kampo ay hindi nakatanggap ng kopya ng affidavit ni Raymundo.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig, muling nag-object si Fortun sa pagkuwestiyun ni Lazaro sa isa pang abogado ng depensa na si Atty. Abdulkalim Askali, habang ikino-cross-examine si Raymundo.

Ayon sa prosekusyon, dapat ay inireserba na lamang ni Fortun ang kanyang objection sa oras na siya na ang magko-cross examine sa testigo.

Tinugunan naman ito ni Fortun ng: “They (prosecutors) are not sanctioned, that’s why they continue to act that way. The court should sanction the counsels.”

Nainis na sa nagtutunggaling mga abogado, kaagad hiniling ng hukom sa magkabilang panig na hayaan na lamang ang mga pangyayari at magpatuloy na sa pag-cross examine.

Dito na iginiit ni Fortun na dapat parusahan ang sinumang abogadong magiging pasaway habang isinasagawa ang pagdinig na inayunan naman ng hukom.

Matapos ang ilang segundong katahimikan, nagpatuloy si Judge Reyes sa kanyang pahayag at sinabing kung gusto umano ng magkabilang-panig na maghigpit siya ay maghihigpit siya.

“You want me to be strict? Okay, I will be strict. I was being lenient all these times, but now, I will be strict… I will sanction anyone who will not be following instructions from this court,” sambit ng nabuwisit na hukom.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply