Migz maaaring tumakbo ng 2 sunod na termino

MAAARI pang tumakbo sa pagka-senador ang nagbitiw na si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri ng dalawang magkasunod na termino mula 2013, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., sa sandaling ideklara ng Senate Electoral Tribunal (SET) na si Atty. Aquilino “Koko” Pimentel III ang nanalo sa eleksyon noong 2007, ang  2007-2013 ay ikokonsiderang kanya.

Matatandaang sina Zubiri at Pimentel ang naglaban upang masungkit ang ika-12 at huling puwesto sa pagka-senador sa naturang halalan.

Idineklarang naungusan ni Zubiri si Pimentel, ngunit ito ay inalmahan ng huli sa pamamagitan ng pagsasampa ng reklamo sa kinauukulan.

Kahapon (Miyerkules, Agosto 3) ay nagbitiw sa pagka-senador si Zubiri matapos lumitaw ang mga pahayag ng ilang personalidad na nagpapatunay na nagkadayaan noong nabanggit na eleksyon at ang huli ang isa sa mga nakinabang dito.

Ikinatuwiran ni Zubiri na binitiwan niya ang kanyang puwesto sapagkat ayaw niyang manatili dito samantalang may pagdududa sa kanyang pagkapanalo. Gayundin ay para umano sa dangal at katahimikan ng kanyang pamilya ang kanyang ginawa.

Ipinaliwanag ni Brillantes na kung iluluklok ng Senate Electoral Tribunal (SET) si Pimentel at ito ay muling tatakbo at mananalo sa 2013, ito ay maituturing na ikalawang termino na niya.

“Hindi counted sa kanya (Zubiri) itong present term. Kung nakaupo si Koko one to two months from now, kay Koko ibibilang ang first term,” paliwanag ni Brillantes, na dating election lawyer ni Pimentel. “Kung tatakbo si Koko for reelection he will be running for his second term, Zubiri will be running for his first term.”

Nilinaw ni Brillantes na hindi pa maaaring sabihin na responsable si Zubiri sa umano’y dayaan sa halalan.

Aniya, maituturing lamang na responsable si Zubiri kung lilitaw sa imbestigasyon na tinangka nitong pagtakpan ang naturang iregularidad.

“(Wala siyang) liability unless kung may ginawa siyang cover-up, which means alam niya pero di siya nagsasalita. Base sa statement niya wala siyang nakausap… at kung may dayaan wala siyang kinalaman diyan,” ani Brillantes.

Sinabi pa ni Brillantes na ang pagbibitiw ni Zubiri ay hindi rin umano nangangahulugan na umaamin na ito na may kinalaman sa umano’y dayaan, bagama’t mistula na nitong inamin na ang panalo niya sa 2007 polls ay maaaring hindi lehitimo dahil sa alegasyong dayaan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply