Mike A. swak sa PNP chopper scam – Drilon

HINDI kayang pasinungalingan ni dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo ang testimonya at ebidensiya na siya ang may-ari ng dalawang lumang helicopter na ibinenta sa Philippine National Police (PNP) noong 2009.

Inihayag ito ni Sen. Franklin Drilon bilang reaksyon sa patuloy na pagtanggi ni Arroyo sa akusasyon ni Archibald Po at ilan pang testigo na pag-aari ng pamilya nito ang dalawang lumang helicopter na ibinenta sa halagang brand-new.

Ayon kay Drilon, maaari nang maisakdal si Arroyo sa pamamagitan ng testimonya nina Po, may-ari ng Lion Air Inc. na kung saan nakarehistro ang helicopter, Hilario De Vera, presidente ng Manila Aerospace Products Trading (Maptra) at ahente ng Lionair na nagbenta ng chopper sa PNP at matataas na opisyal ng kapulisan na sangkot sa eskandalo.

“Sa aking pananaw, walang pamamaraan na pasubalian ni Mike Arroyo ang kaganapan na siya mismo ang may-ari ng chopper. Kung patuloy niyang itatanggi ang helicopter, dapat lumagda siya sa isang affidavit upang bigyang laya si Po at Lionair na nagsasabing wala itong pananagutan sakaling ibigay nito ang helicopter sa PNP,” ayon kay Drilon.

Natuklasan ni Drilon sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na nakipagsabwatan ang mga opisyal ng PNP kay Arroyo upang umangkop ang technical characteristics ng helicopter na pag-aari nito sa uri ng helicopter na kailangan ng PNP.

Kinuwestiyon din ni Drilon ang PNP Uniform and Equipment Standardization Board at ang National Police Commission na unang pinamumunuan ni dating Interior Secretary Ronaldo Pulo na siyang dahilan kung bakit binago ang specification upang maipalitaw na kailangan ng PNP ng katulad na helicopter ni Arroyo sa operasyon ng Special Action Force (SAF).

Pinatindi pa ang ebidensiya sa testimonya ni Edith Solano-Juguan, collection agent ng Lionair, na siya mismo ang naniningil ng maintenance fees sa LTA Inc., na pag-aari ng pamilya ni Arroyo.

Napagtibay umano ng pahayag ni Solano-Juguan na si dating Unang Ginoo ang may-ari ng chopper.

Bukod dito, pinatunayan din ni Domingo Lazo, dating flight dispatcher ng Lion Air, sa Senado na mula Marso 2004 hanggang magbitiw ito sa kumpanya noong Hunyo 2009, si Arroyo ang nagbibigay ng instruction kung sino ang puwedeng gumamit ng helicopter.

“Beyond reasonable doubt, I think it was already established that Mike Arroyo owned the helicopters,” ayon kay Drilon.

Nagbabala naman si Drilon sa mga opisyal ng PNP na sangkot sa negosasyon na ilantad na ang katotohanan kundi makakasuhan din sila nang katumbas na bigat ng kasong ihahain kay Mr. Arroyo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply