Mini-truck vs. water tank: 1 patay, 20 grabe

PATAY ang isa habang mahigit 20 katao kabilang na ang ilang nasa kritikal na kondisyon makaraang magbangaan ang mini-truck at water tank ng Leyte Metropolitan Water District (LMWD) sa Abucay, Tacloban City dakong 9:30 kagabi, Agosto 19.

Nabatid na dinala sa ospital ang mga biktima na sakay ng truck na may plate number YAS 376 na minamaneho ng isang Romell Araza kung saan ang ilan sa mga ito ay naputol ang mga paa.

Samantala, bandang 3:00 am nang idineklarang patay ng mga doktor ng Eastern Visayas Regional Medical Center ang isa sa mga biktima na kinilalang si Richard Tolibas, ng Pastrana, Leyte.

Patuloy namang inoobserbahan ang dalawa sa biktima na sinasabing nasa kritikal na kondisyon na sina Ben Lloyd, 27, ng Tunga, Leyete, at isang nagngangalang Marlon, 22, ng Julita, Leyte.

Kaugnay nito, nakapiit na ang driver ng water tank na may plate number SGM 634 na kinilalang si Bryan Dave Reposar.

Napag-alaman na umaabot sa 40 katao ang sakay ng mini-truck na mga trabahante ng isang food chain sa Tacloban City.

Kasalukuyang nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nasabing insidente.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply