Miron ng SONA (2)

ANG mga tindera ay parang hayop na itinaboy sa isang lansangan na itinuturing na national highway patungo sa Peñaranda, Nueva Ecija.

Dahil dito, hindi lamang mga tindera ang nagharap ng reklamo, kundi pati mga operator at driver ng iba’t ibang sasakyan na tutol din sa pagsasara ng nabanggit na lansangan.

Ang sabi ni Mayor Christian Tino ng Gapan City – ang puwesto ng mga dating tindera sa itaas ng palengke ay dapat ibigay sa mga biktima ng sunog – at ito nga ang nangyari.

Tama naman na tulungan ni Mayor Tino ang mga nasunugan na magkaroon ng hanapbuhay – pero, your honor, Mr. Mayor, paano naman ang mga dating tindera na bayad na ang kanilang mga puwesto? Bakit kailangang paalisin ang mga dating tindera at ilagay sa lansangan ng mga sasakyan? Ang paglutas sa isang problema ay hindi dapat lumikha ng higit na malaking problema.

Isa pang reklamo ang ukol sa hindi pa tapos na slaughter-house ng lungsod ng Gapan. Ginagamit na raw at isang katerbang mga baboy at baka ang natatambak at hindi agad naaasikaso.  Kung hindi agad maaayos ang mga hayop, baka ito ay makasama sa kalusugan ng mamamayan ng Gapan.

Dumulog sa tanggapan ni Vice-Governor Jay Padiernos ng Nueva Ecija ang pinaalis na mga tindera – pero, wala ring nangyari – muling umiral ang pulitika at hindi naiwasan ni Aling Letty ang maghimutok: “mahal na mahal pa naman ng Gapan City si Vice Jay, pero kami ay kanyang binigo.”

Hindi tayo dapat na mabigo sa isang taong panunungkulan ni PNoy. Ang transpormasyon at makabuluhang mga pagbabago ay hindi magagawa sa gabi ng isang magdamag.

Marami pang gabi ang ating bubunuin. Maaaring tayo ay hindi antukin at makatulog sa dami ng mga problema, pero hindi tayo dapat na manatiling miron at tagapakinig lamang ng sona ng Presidente.

Ang kailangan ay aksyon, pakikialam at pakikisangkot ng bayan. Ito rin ang dapat umiral at matanim sa kokote  ng  mga opisyal ng Gapan City, Nueva Ecija, na ang katarungan ay para sa lahat.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply