MMDA puro porma lang

KATULAD ng nakaraang chairmen ng Metro Manila Development Authority, si Francis Tolentino ay mukhang hanggang porma na lamang.

Hindi niya mapatupad ang ban on smoke belching, at hindi rin siya makahuli ng kahit isang colorum bus owner o driver.

Bukod diyan, hindi niya mapatigil ang mga bus na nagka-karera sa Edsa at sa mga expressway.

Subalit mabilis siyang umaksiyon kapag simpleng mga tao lamang ang involved, katulad ng panghuhuli niya ng mga nagsi-sigarilyo sa mga sidewalk.

Ang mga milyonaryong bus operator ay hindi man lamang maparusahan.

Mabuti na lamang at si Judge Valenzuela ay nag-issue ng decision na hindi sakop ng MMDA ang paghuli ng mga naninigarilyo at paniningil ng multa sa mga lumalabag sa kampanya laban sa paninigarilyo.

Ang ordinansang yan ay trabaho ng mga town and city mayors at ng mga pulis.

Hindi sa sinasang-ayunan ko ang mga naninigarilyo sa mga publikong lugar, ngunit sa aking palagay, pinagtatakpan lamang ni Tolentino ang kawalang silbi ng MMDA
sa ating lipunan.

Ilan na ang mga namatay sa Edsa at sa Commonwealth Ave.?

Hindi ko na mabilang, at baka pati si chairman Tolentino ay hindi na rin alam ang dami ng mga sakuna sa mga lugar na iyan.

Para malihis marahil ang puna ng mga tao sa mga aksidente sa Edsa at Commonwealth, ay pinagbalingan niya ang Macapagal Boulevard sa reclamation area
sa Manila Bay.

Personal siyang nanghuli ng mga mabilis magmaneho at nagpakalat ng maraming tauhan para mag issue ng ticket sa mga motorista.

Deputized ba ang MMDA ng Land Transportation Office (LTO?)

Noong isang araw naman, inutusan niya ang mga bus operator na magpinta ng numero ng plaka o license plate sa paligid at bubong ng kanilang mga sasakyan para daw malaman kung alin ang mga kolorum.

Ano na namang pakulo ito?

O Kahangalan?

Siyempre, tuwang tuwa ang mga operator dahil lalong hindi na mahuhuli ang mga kolorum.

Biro ninyo ba naman, hindi ang MMDA ang magdedesisyon sa pagpipintura ng kanilang mga license plate, bagkus ay ang mga operator.

Maaaring hindi nga katangahan ito, pero maaring katamaran lang sa panig ng MMDA.

Sana naman ay mag-isip nang mabuti si chairman Tolentino bago mag-experiment.

Hindi naman kailangan ng isang college graduate ang mag-bigay ng solusyon sa traffic sa Metro Manila. Kaunting utak lang, mga pare ko, ang kailangan natin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply