Nagpa-power trip sa QCPD ayaw bumitiw

MAY mga opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) na hindi makaalis-alis sa kanilang puwesto bagaman inaayawan na sila ng kanilang mga tao.

Ano ang dahilan?

Ano ang mayroon sa kanilang puwesto? Kapangyarihan?

Puwede! Dahil marami sa mga nasabing official ang nagpa-power trip (hindi po ito kuryente ng Meralco). Feel na feel nila ang magsiga-sigaan sa Camp Karingal.

Masaya ang mga opisyal na ito na may mga naipapahiya silang mga kabaro nila na mas mababa ang ranggo sa kanila.

Pero take note, maging si QCPD director Chief Superintedent  George Regis ay namumula ang malasutlang kutis sa pisngi dahil sa inis sa kanila bunga ng kanilang pamamahiya sa mga tauhan ng QCPD na mula’t mula pa ay napamahal na kay Regis dahil matagal siyang namalagi at nagsilbi sa  command mula pa lang noong early 90s.

Maraming beses nang may ipinahiya ang mga opisyal na ito, ang ilan ay mga opisyal din na hindi magawang pumalag sa kanila dahil mataas ang ranggo ng mga ito ay siyempre, Camp Bagong Diwa ang nagpadala sa mga ito sa QC.

Ano ang isa pa sa mga matitinding dahilan kung bakit ayaw umalis ang mga opisyal na ito sa QCPD?

Natural, ang lingguhang pera o payola na kanilang tinatanggap mula sa mga opisyal ng unit o section na kanilang umano’y mga bata kaya’t naipuwesto.

Putok na putok na sa kampo na ang mga opisyal na ito ay nakikinabang kahit sa mga kapwa nila opisyal. Isa sa mga nasabing opisyal ay nagpapakolekta ng P1,000 linggo-linggo sa bawat station commanders ng QCPD.

Saan nga ba naman kukunin ang P12,000 linggo-linggong kita nila kung aalis sila sa QCPD?

Ang isa naman ay nasanay sa pakinabang niya sa punerarya na nagbigay ng P50,000 buwanan para lang makuha ang mga biktima ng karahasan.

Balita nga, kaya nakapasok ulit ang puneraryang inirereklamo ng marami dahil sa panghoholdap sa mga pamilya ng namatay  na naunang ipinatanggal ni Regis ay dahil din sa pakiusap ng opisyal na ito na natatakot mawalan komisyon o perang galing sa patay.

Bukod pa ito sa kita niya mula sa release ng mga sasakyang nagkaroon ng problema sa batas.

Ayon sa source ng PAKUROT, ang opisyal na ito ang nagbibigay ng go signal para mairelease sa may-ari ang sasakyan na nahuli, na-recover o

iba pang dahilan kaya nasala sa Camp Karingal.

Hay naku!

Kailangang umaksyon na rito ang National Capital Region Police Office.

Maganda siguro kung palitan na ni Director Allan Purisima ang mga opisyal na ito upang sumunod ang QCPD sa “Tuwid na Daan” ng kanyang boss na si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Dito natin masusubukan si Gen. Purisima. Alam naman nating mabilis itong umaksyon sa reklamo sa kanya.

Kung nais po ninyong ibahagi ang hindi magandang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari  po kayong mag-text sa 09215-175814 o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply