Nagpanggap na reporter huli sa extortion

ARESTADO ang isang nagpakilalang radio reporter makaraang mahuli sa isinagawang entrapment operation habang kinikikilan ang isang binggo operator sa Quezon City kagabi.

Hindi na nakapalag pa si Noel Pabustan,51, ng Sitio  San Roque, Brgy. Bagbag, Novaliches, QC, sinasabing broadcaster ng DWBL.

Si Pabustan ay inaresto nina PO3 Jesley dela Cueva, PO2s Rionaldo Sabulaan at Rolan Aumentado pawang tauhan ng Quezon City Police District Cubao Police Station 7.

Positibo naman siyang itinuro ng kanyang complainant na si Joel Aquino, 53, ng No. 104 Sitio Brgy Rosario, Pasig City.

Ayon kay PO3 Elmer Perez, ng QCPD station 7 Cubao nangyari ang insidente dakong 9:30 ng gabi kagabi sa Aurora Blvd. at Westpoint sa Cubao, QC.

Ayon sa reklamo ni Aquino, nilapitan umano siya ni Pabustan at hinihingan ng P30,000 lagay kada buwan dahil iligal umano ang  kanyang pabinggo/peryahan ngunit kanya itong tinanggihan dahil hindi niya umano kaya ang hinihingi ng huli.

Nagkatawaran pa umano hanggang sa nagkasundo sina Aquino at Pabustan sa P2,500 bawat buwan.

Nag-text umano sa biktima ang suspek na babalikan ang pera ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay tumawag na ng pulis si Aquino kung kaya isinagawa ang entrapment na ikinaaresto ni Pabustan.

Sa himpilan ng Cubao Police Station, pilit pa ring itinatanggi ni Pabustan ang akusasyon sa kanya at ikinakatuwiran na nagsasagawa lang siya ng surveillance sa lugar.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply