Nakaambang panganib

MASYADONG abala ang mga opisyal ng ating pamahalaan sa iba’t ibang isyu gaya ng pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng second hand na helicopter, ang dayaan sa eleksyon noong 2004 at 2007 at maraming pang iba.

Hindi tuloy nabibigyan ng pansin ang ginawang pag down grade ng Standard & Poor’s sa sovereign credit rating ng Estados Unidos mula sa pinakamataas na AAA papunta sa AA+ plus lang.

Maaring walang pakialam ang marami sa ating mga kababayan dito pero sa ibang bansa lalo na sa Estados Unidos at Europa ay napakalaking balita ang pangyayaring ito.

Malaki rin ang magiging epekto nito sa ating bansa  lalo pa at kasalukuyang may budget deliberations sa Kongreso at pinag-uusapan ang mga pondong ilalaan ng pamahalaan sa darating na taon.

Mas mabuting mapaghanda-an na ngayon pa lang ng mga opisyal ang epekto ng down-grading na ito upang sa gayon ay hindi naman tayo maabutan nang nakatunganga at mukhang tanga.

May ilang araw na rin akong nag-aantay ng opisyal na pahayag mula sa Malakanyang pero mukhang hindi pa nila napagtutuunan ng pansin ang unwanted development na ito.

Ngayon pa lang ay may pangamba na ang mga ekonomista ng mayayamang bansa na maaring magkaroon muli ng worldwide economic meltdown.

Sa isang banda ay matagal na rin namang talagang naghihirap ang bansa natin kaya’t hindi na natin pinapansin ang nangyayari sa mga mayayamang bansa gaya ng Amerika.

Pero sa ayaw natin at sa gusto ay maaapektuhan din tayo kung sakali at tuluyan na ring bumagsak ang ekonomiya ng Amerika at iba pang mayayamang bansa.

Alalahanin natin na ang US ang pinakamalaking trading partner natin bukod pa sa napakaraming kababayan natin ang nagtatrabaho roon at sa iba pang mga bansa.

Kung sakaling tuluyang magkaroon ng worldwide recession ay tiyak na pauuwiin nila ang ating OFWs bukod pa sa hindi na rin sila aangkat ng mga produkto natin na siyang pangunahing dahilan kung bakit tumatakbo
ang ating ekonomiya.

Ang resulta? Magkakaroon ng malawakang unemployment maliban pa sa siguradong tataas ang antas ng kriminalidad na dulot ng kahirapan at kagutuman. Kaya ngayon pa lang ay dapat nang maghanda ang pamahalaan at ang taumbayan sa panganib na ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply