Nalunod sa isang basong tubig ng kapangyarihan

TAONG 2010 presidential campaign nang gamitin ni President Noynoy Aquino ang slogan na “Tuwid na Daan” na tumutukoy sa magiging panuntunan ng kanyang administrasyon kapag siya ang nanalo dahil talamak na ang katiwalian sa pamahalaang Arroyo.

Noong June 30, 2010 nang ipagmalaki ni PNoy na “wala ng wangwang” na tumutukoy naman sa pagputol sa pagiging abusado ng maraming opisyal ng pamahalaan at pagkakaroon ng disiplina ng mga mamamayan.

Nakalipas na ang may isang taon sa pamahalaan ni Noynoy, subalit tila wala namang pagbabago.

Ang masakit, tila mas lalong lumala ang katiwalian at pagiging abusado ng mga nanunungkulan sa pamahalaan.

Halimbawa na rito ay ang isang nagngangalang Usec. Gascon na ipinagmamalaking bata siya ni Department of Transportation and Communications Secretary Mar Roxas, kilalang trouble shooter ni Aquino.

Hindi ito dapat payagan ni dating “Mr. Palengke” dahil malaking batik ito sa kanyang pangalan.

Paano nga ba ipinagmalaki ni Usec. Gascon ang kanyang koneksyon kay Sec. Roxas? Kamakailan, isang director ng Department of Agriculture ang inaresto sa tanggapan nito ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong estafa.

Isang opisyal ng Caloocan City government na kaalyado rin ni Roxas ang umarbor na sa mga pulis na pakawalan ang director subalit hindi napagbigyan kaya naman sumugod sa istasyon ng pulisya si Gas-con at nagwawala roon.

Pinagduduro nito ang mga pulis habang sumisigaw ng “hindi nyo ba ako kilala?”

Idinagdag pa nito habang itinuturo ang sarili na “Bata ako ni Mar Roxas.”

Hinarap siya ng isa sa mga pulis at sinabihan siya na huwag manduro dahil pambabastos iyon sa mga alagad ng batas.

Subalit sa halip na tumigil, mas lalong ipinagdiinan nito ang koneksyon sa Malacanang.

Ipatatanggal daw niya ang pulis na kausap niya dahil sa paghuli sa kanyang kaibigang director ng DA.

Kaalyado raw nila sa Liberal Party ang kalihim ng Department of Interior and Local Government kaya malakas din siya rito.

Ang kaso na-wow mali ang “lunod sa kapangyarihang opisyal” dahil ang opisyal ng pulis na kausap at pinagduduro niya ay hindi naman ang hepe ng warrant and subpoena section ng CCPS.

Pero bago umalis ng istasyon, nagbanta ito na may mangyayaring hindi maganda sa pamahalaan ng Caloocan.

Hay naku, mga Ginoong Aquino at Roxas, hindi na ninyo dapat isinasama sa inyong administrasyon ang ganitong klaseng tao na nalunod sa isang basong kapangyarihan dahil ito ang babaluktot sa isang “tuwid na daan” at babasag sa “wang-wang.”

Kung nais po ninyong ibahagi ang hindi magandang karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari  po kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean-11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply