NPA: 6 na preso kapalit ng 4 na BJMP officer

HILING ng New People’s Army (NPA) na magkasa ng prisoner-swapping para sa apat na miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kanilang dinukot sa Bukidnon noong Hulyo 20.

Sa panayam kay Bukidnon Vice Gov. Jose Maria Zubiri, sinabi nitong ipinaalam ng emisaryo ng mga NPA sa mga asawa ng mga bihag na opisyal ng BJMP na gusto nilang i-swap ang mga biktima sa anim na nakakulong na miyembro ng NPA.

Gayunman, sinabi nito na hinihintay pa ang  mga pangalan ng anim na bilanggong NPA para agad na ibigay niya ito sa mga kinauukulan na siyang magdedesisyon tungkol dito.

Tiniyak naman ng opisyal na patuloy ang negosasyon nila sa mga rebelde taliwas sa naunang reklamo ng pamilya ng mga biktima na hindi sila kumikilos para mapalaya agad ang mga biktima.

Tiniyak naman ng mga rebelde kay Zubiri na ligtas ang kalagayan ng apat na BJMP officers na kanilang bihag.

“Buhay at malusog sila at hindi sila sinasaktan ng mga rebelde. Pero ipinarating ng emisaryo ng mga rebelde sa asawa ng dalawa sa apat na bihag ang hiling ng mga ito na prisoner swapping,” ani Zubiri.

Maalalang binihag ng NPA sina Jail Inspector Murphy Todyog, Jail Inspector Ericho Llamazares, Senior Jail Officer 2 Rogelio Begontes at Jail Officer 1 Rolando Bajoyo, Jr. para itakas ang convicted bomb expert ng NPA na si Dennis Rodenas na ililipat sana sa Davao Penal Colony.

Ayon naman kay BJMP Director Rosendo Dial, sinabi nitong positibo silang mapapalaya sa lalong madaling panahon ang kanilang mga tauhan dahil sa humingi na rin sila ng tulong sa mga LGUs. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply