OFW Recruitment Agency patuloy na nambibiktima ng mga aplikante

MATATANDAAN natin ang mga istorya nila Lorena Banggayan, Mary Rose Saberon at Rowena Villanueva mula sa Nueva Ecija, na nagtrabaho sa loob lamang ng tatlo hanggang labing-anim na araw sa Taiwan bilang mga caretaker dahil sa sobrang pagtatrabaho at kawalan ng pahinga. Ang pinakanakadidismaya pa rito ang karanasan ng ating OFW na si Mary Rose na pinayuhan ng isang staff ng OFW Recruitment Agency na si Benzon Tan na tumalon mula sa isang mataas na gusali upang makakuha aniya ang kanyang pamilya ng insurance claims. Inilalarawan lamang nito kung paano agarang naghuhugas-kamay ang isang recruitment agency pagkatapos makapagpaalis ng kanilang mga aplikante.

Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) hinggil sa reklamong ito. Matapos ang kanilang unang conciliation hearing na naganap nitong Hulyo 27, 2011 sa ilalim ni Atty. Lucy Austria, bawat complainant ay nabayaran ng P160,000, sapat na halaga para maibalik ang kanilang mga nagastos sa naturang ahensya.

Sa kabila nito, hindi pa rin natatapos ang pakikipaglaban ng Bantay OCW at ilan nating kababayan sa mga ahensyang katulad ng OFW Recruitment Agency.

Mula pa sa Nueva Ecija, nagtungo sina Cristine Geronimo at Rowena Gamit nitong Agosto 2, 2011 sa inyong Bantay OCW upang idulog ang kanilang mga reklamo laban sa OFW Recruitment Agency.

Nagtrabaho ang ating kabayang si Cristine sa Taiwan bilang caretaker sa loob lamang ng anim na araw. Wala siyang magawa kundi umiyak na lamang habang ginugunita ang mapait na karanasan niya doon. Paulit-ulit na minolestiya si Cristine habang inaalagaan ang isang 70- taong gulang na Taiwanese. Kahit na humingi aniya siya ng tulong sa OFW Recruitment Agency, ipinaliwanag naman daw ng isang staff ng ahensya na si Rita na ito’y normal lamang at tinanong pa aniya siya nito “bakit ka ni-rape?” Tanong naman umano sa kanya ng broker niya sa Taiwan “paano ka makakauwi wala ka namang pera pambayad sa pamasahe?”

Nag-aplay naman ang kababayan nating si Rowena Gamit sa OFW Recruitment Agency nitong Enero 28, 2011. Nagbayad siya sa ahensya ng P80,000 kung saan kinuha pa niya mula sa isang loan dagdag pa ang ginastos niya sa mga pag-alis mula sa kita ng kanyang ama sa isang bukirin. Ngunit laking gulat na lamang niya ng sinabi sa kanya ni Benzon Tan ng naturang ahensya na ang kanyang aplikasyon ay maho-hold dahil nagmula daw siya sa Nueva Ecija.

Inilalarawan lamang ng mga ito ang isang mas malinaw na imahe ng OFW Recruitment Agency, kung saan matapos makapagbayad ang ating mga kababayan sa kanila at mapaalis patungo sa ibang bansa, agaran naman nilang pinuputol ang kanilang mga ugnayan sa kanilang mga aplikante.

Ngunit sa kabila ng lahat nito, matinding tututukan ng inyong Bantay OCW ang kanilang mga pagdinig sa POEA at NLRC.

***

Bantay OCW Programs
TELEBISYON: NBN Channel 4 (Monday to Friday, 10:10pm-11:10pm)
www.ptni.tv

RADYO: Radyo Inquirer DZIQ 990 AM (Monday to Friday, 7:00pm-8:30pm)
Address: Media Resource Plaza Bldg., Mola cor. Pasong Tirad St., Bgy. La Paz, Makati City

BANTAY OCW FOUNDATION OPERATIONS CENTER (Monday to Friday, 8:00am-5:00pm)

631 Shaw Blvd., Mandaluyong City
Telephone Numbers: 535.7209/ 881.9423/ 0919.2140699
Email: susankbantayocw@yahoo.com/ bantayocwfoundation@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply