OFWs inaasahang tutugon sa voluntary repatriation sa Syria

INAASAHAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroon nang mga Pilipinong manggagawa sa bansang Syria ang tutugon sa panawagan para sa voluntary repatriation.

Umaasa si DFA Spokesman Raul Hernandez na boluntaryong lilikas ang mga Pilipino para maiwasang madamay sa nagaganap na kaguluhan.

Sinabi ni Hernandez na Abril pa lamang ay nakataas na ang Alert Level 3 sa tatlong lugar sa Syria at ngayon ay isinailalim na ang buong Syria sa Alert level 3.

Hinimok ni Hernandez ang mga OFW na kunin na ang pagkakataon para sa voluntary repatriation at ito naman ay sasagutin ng pamahalaan.

Ayon kay Hernandez, mayroong 17,000 OFW sa Syria at karamihan sa mga ito ay mga babaeng domestic workers.

Ayon naman kay Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, inatasan na niya ang embahada ng Pilipinas sa Damascus na pangunahan ang paglilikas sa mga Pilipinong nais umuwi mula sa Syria.

Nag-ugat ang itinaas na alert level sa umiigting na kaguluhan sa Syria dahil sa nagpapatuloy na kilos protesta ng mga mamamayan.

“Under alert level 3, all Filipinos working and residing in Syria are enjoined to leave Syria and the Philippine government will provide for the repatriation cost,” ani Del Rosario.

Sa ngayon ay mayroon pang 2,000 OFW na nananatili sa Libya sa kabila ng ipinatutupad na mandatory repatriation doon.

Ipinaliwanag ni Hernandez na bagamat mandatory repatriation ang ipinatutupad sa lugar, nasa OFW parin ang pagpapasya kung uuwi ito o hindi. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply