Ona didikdikin sa dengue outbreak

HINILING ng isang senador na ipatawag si Health Secretary Enrique Ona sa Senado upang pagpaliwanagin kung bakit pumalpak ang gobyerno sa pagharap ng problema ng dengue bunsod ng dami nang namatay sa sakit na ito.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, hindi na biro ang dami ng kaso ng dengue sa Metro Manila kung kaya’t marapat lamang na tanungin ng mga senador ang kalihim ng Department of Health (DOH) kung ano ang naging pagkukulang ng gobyerno.

“Napakaraming namamatay sa dengue na mga bata at mahihirap makikita mo talaga sino naging victim sa slum areas o sa mababang antas ng lipunan dahil sila ang siguro walang sapat na kaalaman kung paano ma-maintain ang paligid para libre sa lamok o dengue,” giit ni Lacson.

Inamin ng DOH na halos naging triple na ang kaso ng dengue sa Metro Manila bagama’t bumaba naman ang bilang sa iba’t-ibang bahagi ng buong kapuluan.

“Dapat pagtuunan ng pansin ng Senado kung saan ba nag-fail ang DOH at saan nag-fail ang pamahalaan,” ani Lacson sa isang programa ng himpilang DwIZ.

Tiniyak naman ng senador na sa pagkakataong ito ay hindi niya sisisihin ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil kung tumataas man ang bilang ng dengue sa Metro Manila, ito ay kargo ng kasalukuyang administrasyon.

“Hindi puwedeng sabihin mas marami noong panahon nila (GMA). Pangit pag-usapan ang ganoon kasi buhay na ng mga bata at tao ang involved dito,” dagdag ng senador. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply