Opisyal ng PNP procurement iimbestigahan ng NAPOLCOM

BUMUO ng special investigating team ang National Police Commission na hahawak sa mga anomalya sa Philippine National Police kasama ang kontrobersyal na pagbili ng second hand na helicopter na pinalabas na brand new sa mga dokumento.

Ayon kay Napolcom vice chairman at executive officer Eduardo Escueta, papagitna ang komisyon sa kampanya nito para sa isang kapulisan na may disiplina at integridad. Kasalukuyan na umanong nirerebisa ang lahat ng polisiya upang mapalakas ang sistema at proseso sa pagbili ng PNP ng kanilang mga pangangailangan sa logistics.

“Kailangan umanong sumunod ang proseso sa mga probisyon ng Government Procurement Reform Act (republic Act No. 9184) at sa mga polisiya ng komisyon sa mga specification standards,” dagdag pa ni Escueta.

Maliban sa kontrobersyal na second hand helicopter, iimbestgahan din ng Napolcom ang pagbili ng PNP ng 75 units na rubber boats at 93 outboard motor engines para sa mga bangka noong Marso na oversize.

Kinumpirma din ni PNP chief, Director General Raul Bacalzo, na hindi tugma ang mga idiniliber na makina subalit hindi sira ang mga ito. Napag-alaman na ang mga bangka na idiniliber ay 40 horsepower lang ang kayang dalhin gayong ang mga makinang dumating ay 60 horsepower mula sa kumpanyang Enviro-Aire na siyang nanalo sa kontrata para sa mga makinang kailangan sa bangka ng PNP.

Sinabi naman ni DILG chief at NAPOLCOM chairman Jesse Robredo na sisilipin ng komisyon kung sino ang dapat managot sa mga pagkakamali sa proseso sa pagbili ng mga gamit ng PNP. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply