P1B investment papasok sa Bulacan

INIHAYAG ng pamunuan ng Bulacan Muslim Affairs Consultative Council (BMACC) na may inaasahan silang papasok na P1 bilyong business investment sa lalawigan mula sa bansang Arabo

Sa ekslusibong panayam ng Remate kay Engr. Pandao G. Ali, vice chairman ng BMACC, inamin nito na ilang buwan nang nakikipag negosasyon ang BMACC sa isang arabong “sheik” para sa pagtatayo nito ng bilyong pisong halaga ng Halal Food Processing Zone sa lalawigan at nasa 90 porsiyento na umano ang tsansa na matutuloy na ito.

Sinabi pa ni Ali na kasalukuyan silang nakikipagtulungan kay Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado at naglaan na umano ito ng limang ektaryang lupa sa isang barangay sa bayan ng San Ildefonso para pagtayuan ng naturang Halal Food Processing Zone na inaasahang magsu-suply naman ng pagkain sa mga Muslim countries gaya ng Malaysia, Indonesia, Brunei, Singapore, Thailand at Saudi Arabia.

Napili umano ng hindi pinangalanang Arab sheik ang lalawigan dahil madami umanong mga farm at fish pens dito na maaaring pagkunan ng mga manok, baka, kambing at isda na kanilang ipo-proseso.

“Actually, madaming mga brothers naming Muslim mula sa mga Muslim countries ang gustong mag-invest ngayon dito sa Bulacan at malaki ang papel ng BMACC at ni Governor Alvarado sa pakikipagnegosasyon para matuloy ito. HIndi lang ang mga Muslim, pati mga Kristiyano ay makikinabang din pag natuloy na ang mga investment na ito,” ani Ali.

Tinataya namang hindi bababa sa 300 ang malilikhang trabaho bunga ng pagtatayo ng naturang Halal Food Processing Zone at inaasahan ding malaking buwis ang ipapasok nito para sa lalawigan.

Sa kasalukuyan ang BMACC ay binubuo ng 37 Muslim associations sa buong lalawigan na may kasaping hindi bababa sa 45,000 katao. Jun Acot

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply