Pag-iiba ng school calendar lumalakas

NADARAGDAGAN ang bilang ng mga kongresistang sumusuporta sa panukalang paglilipat ng pagsisimula ng school year sa Setyembre imbes na Hunyo.

Unang ipinanukala na ibahin ang school year dahil panahon umano ng mga bagyo ang mga buwang Hunyo, Hulyo at Agosto kaya’t madalas isuspinde ang mga klase sa mga buwang ito.

Dahil dito, nag-aalala rin sina Reps. Lani Mercado-Revilla (2nd District, Cavite) at Bernadette Herrera-Dy (Bagong Henerasyon party-list group) para sa mga estudyante, magulang at titser na maaari umanong magkasakit ng respiratory diseases, dengue fever at leptospirosis.

Gayundin, anila ay mapanganib ring maglakad kung baha dahil sa maraming hukay sa kalsada at mga bukas na imburnal.

“Ngayong nakaraang magkasunod na bagyong pumasok sa ating bansa, may ilang beses na sinuspinde ang mga klase sa elementary pati sa kolehiyo dulot ng malakas na ulan at pagbaha,” wika ni Mercado-Revilla.

“Sa unang araw pa lamang ng pagbubukas ng klase, pumapasok na ang bagyo sa ating bansa. Ang pagsuspinde sa mga klase ay hindi lamang isang araw dahil nananatili pa rin ang baha sa ibang lugar ng bansa,” sabi ni Herrera-Dy.

Bagama’t magkahiwalay ang House Bill no. 4866 at House Bill no. 4895 na inihain nina  Mercado at Herrera-Dy, nagkaisa ang dalawang kongresista sa pag-amiyenda sa Republic Act 7797, “The Act of Lengthen the School Calendar not more than 220 day.”

“Ang Pilipinas at Brunei lamang ang dalawang bansa sa Asia-Pacific region na nagsisimula ang regular classes sa Hunyo. Enero sa Malaysia at Singapore, Pebrero sa China, Marso sa South Korea, Abril sa Japan at India, Mayo sa Thailand, Hulyo sa Indonesia at Setyembre sa Hong Kong,” ayon kay Mercado.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply