PAGASA nagbabala sa panibagong pagguho, pagbaha

NAGLABAS ng panibagong babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga residente sa Visayas at Mindanao sa posibleng mga pagbaha at pagguho ng lupa, tulad ng naranasan sa Sultan Kudarat na may tatlong katao na ang natatagpuang patay sa ilalim ng guho kabilang ang dalawang musmos.

Ayon sa ulat, dahil pa rin sa epekto ng Inter-tropical Convergence Zone na siyang nagpapaulan sa malawakang bahagi ng bansa ay maaring makaranas ang mga lugar sa nasabing rehiyon ng mga pagbaha at posibleng pagguho ng lupa.

Nabatid na tatlo na ang patay habang mahigit sa 100 residente ang nawalan ng tahan sa nangyaring landslide at flashfloods sa Purok 10, Barangay Kinayao, Bagumbayan, Sultan Kudarat na nagsimula pa noong Biyernes ng hapon, Agosto 12.

Sa report na isinumite ng Provincial Risk Reduction Management Council at kinilala ang mga nasawi na si Teresita Albanses, 49, anak nitong si Daisy, 9, habang narekober nitong umaga lamang  ang bangkay ni Kristin Olivar, 3.

Una rito, 15 bahay ang natabunan ng lupa habang maraming pananim at alagang hayop naman ang tinangay ng rumaragasang tubig-baha.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang clearing operations ng mga otoridad at assessment ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Bagumbayan sa nangyaring trahedya.

Inihayag naman ng pulisya sa Bagumpayan na malakas ang ulan sa bahaging bundok na siyang dahilan upang ito ay bumigay.

Payo ng PAGASA, iwasan ang mga lugar na mapanganib lalo na sa paanan ng bundok laban sa paguho ng lupa o sa mababang lugar na maaring tamaan ng mga pagbaha.

Batay sa satellite image ng PAGASA, malawak pa rin ang kaulapan sa bahagi ng Mindanao at Visayas kabilang na ang Palawan at Southern Luzon dahilan upang paghandaan ang mga pag-ulan. Verlin Ruiz

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply