Pagdinig sa PNP choppers anomaly tuloy bukas

SA ika-apat na pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa kontrobersyal na pagbili ng Philippine National Police ng Chopper, hinamon si Rep. Iggy Arroyo na harapin at panindigan ang pag-ako sa mga umano’y kasalanan ng kanyang kapatid na si dating First Gentleman Mike Arroyo.

Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, dapat patunayan ni Iggy ang sinasabi nitong hindi ang kapatid ang nagmamay-ari ng helicopters na ibinenta sa PNP sa halip nirentahan lamang nito noon.

Nabatid na pormal nang inimbitahan ng Senate blue ribbon committee si Iggy para dumalo sa pagdinig ng committee sa Lunes.

Natanggap na ng opisina ni Arroyo sa Kamara de Representantes ang imbitasyon ng committee sa pamamagitan ng fax machine.

Sa kasaysayan, ito ang unang pagkakataon na diretsahang nag-imbita ang Senado ng isang kongresista para sa isinasagawang imbestigasyon.

Paliwanag ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Teofisto Guingona III, napilitan silang imbitahan ang kapwa mambabatas dahil sa public interest ang nakataya dito kaya’t marapat lamang na mapakinggan ang paliwanag ni Iggy ukol sa pag-angkin sa mga biniling controversial chopper ng PNP.

Para naman kay Senador Franklin Drilon, mistulang desperado ang ginawang hakbang ni FG na makalusot sa naturang kontrobersiya nang pakantahin si  Iggy na siya umanong nakipag-transaksyon sa Lion Air Inc. para upahan ang limang helicopter noong 2004.

Sinabi ni Drilon na imbes mapagtakpan ni Iggy ang kanyang Big Brother sa naturang kontrobersya, lalo pa silang nadiin dahil sablay ang dinoktor nilang lease agreement sa Lion Air.

Binanggit ng senador na noong ipinanotaryo umano ang lease agreement noong Marso 16, 2004, wala pang serial number ang dalawa sa limang helicopter na sinasabing inupahan nila dahil hindi pa nga dumadating sa Pilipinas ang dalawang helicopter.

Nakakapagtaka rin umano na nauna pang ginawa ang lease agreement kaysa sa cedula ng corporate secretary ng Lion Air na si Rene Sia na may petsang April 2, 2004.

Dahil dito, hinamon din ni Drilon si Iggy na maglabas ng kopya ng tseke na nagbayad ito ng P 9.8 milyon para sa upa ng limang helicopter sa loob ng dalawang buwan noong 2004.

Naninindigan ang senador na malakas pa rin ang ebidensiyang inihain ng Lion Air executives na si Mike Arroyo ang nagmamay-ari ng limang helicopter.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply