Paglalagay kay GMA sa watchlist pakulo ng Malakanyang

MARIING ipinahayag ng kampo ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na isang lamang pakulo ng Palasyo ang paglalagay sa pangalan ng dating Pangulo sa immigration watchlist.

Ayon kay Atty. Raul Lambino, ang legal spokesman ng dating Pangulo, bahagi lamang umano ng pakulo ang watchlist order para ilagay sa kahihiyan si Arroyo.

Sinabi pa ni Lambino na isa na namang hakbang pampulitikal ang pagkakadawit sa pangalan ng mga Arroyo para pagtakpan umano ang kawalang kakayahan at mahinang performance ng Malacañang kaya inililihis na lamang ang usapin sa ibang mga personalidad.

Naunang iginiit ni Justice Secretary Leila de Lima na may kapangyarihan ang Department of Justice (DOJ) na ilagay sa watchlist ang sinumang nahaharap sa imbestigasyon ng kagawaran.

Ang dating Pangulo ay nahaharap ngayon sa tatlong plunder charges sa justice department.

Sinabi ni de Lima na ipalalabas niya ang kautusan anumang araw ngayong linggo.

Paliwanag ng kalihim, matagal na sanang may order pero ipinagpaliban dahil sa “humanitarian reasons” matapos na ring sumalang sa cervical spine surgery si Arroyo.

May kinalaman ang watchlist order sa kinakaharap ni Arroyo na mga kasong plunder dahil sa iba’t-ibang umano’y anomalyang nangyari sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Nilinaw naman ni De Lima na ang watchlist order ay paniniguro lang na hindi basta makaaalis ng bansa ang isang tao nang walang pahintulot mula sa DOJ.

Una nang ring inilagay ng DOJ sa Immigration watchlist ang asawa ni Arroyo na si Mike matapos i-request ng Senado sa gitna ng pagsasangkot sa pangalan nito sa bentahan ng segunda-manong helicopter sa Philippine National Police (PNP). Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply