Paglilikas sa naipit na OFWs sa Syria naantala

NABABAHALA si Sen. Manny Vilar sa kakapusan ng tauhan sa embahada ng Pilipinas sa Syria na nagiging sagka sa madaliang paglilikas sa mga naiipit na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Syria.

Dahil dito, nanawagan si Villar sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na mas pag-ibayuhin ang pagsagip sa mga Pilipino na naiipit sa Syria sa harap ng tumitinding panawagan ng iba’t ibang bansa sa pagbaba sa puwesto ni President Bashar Assad.

Sinabi ni Villar na kinakailangang magpadala ng karagdagang tauhan ang DFA at DOLE upang matulungan ang rescue team ng Philippine Embassy.

Hinimok rin niya ang DFA at DOLE na magsagawa ng pinagsanib na pag-uulat o pagbibigay ng impormasyon sa pamilya ng mga OFW sa Syria at Libya para mabawasan ang takot at pangamba ng mga ito sa kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay doon.

Ayon sa senador, batay sa impormasyong ipinararating ng mga OFW doon, lumalabas na kulang sa tauhan ang embahada dahilan upang hindi masagot ang ilang emergency call ng mga kababayan.

Sinabi nito na dahil sa karamihan ng mga OFW sa Syria ay hindi mga dokumentadong kasambahay na ang pasaporte ay  hawak ng kanilang mga amo, ang tagumpay ng ating gobyerno sa  pagpapauwi sa mga ito ay nakasalalay sa epektibong pakikipag-negosasyon ng mga opisyal ng embahada sa Syrian employers ng mga OFW.

Kinakailangan, ayon  pa kay Villar na magpadala ang gobyerno ng mga beteranong labor attaches at mga tauhan ng DFA na may karanasan sa pakikipag-negosasyon sa makukulit na employers.

“Ang ating mga OFW sa Syria ay nagsusumamo ng tulong at karapatan nila na matulungan ng pinakamahuhusay at may mga karanasang tauhan ng DFA at DOLE,” dagdag ni Villar.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply