Pamamaslang sa isang retiradong judge lutas na

SARADO na ang kasong pagpatay kay retired Judge Corazon Abalos Merrera, ina ni Vice Mayor Pete Merrera ng bayan ng Binmaley, Pangasinan.

Ayon kay police Supt. Romeo Caramat, hepe ng Dagupan City PNP, ang pumaslang sa biktima ay mismong ang kanyang mga helper o kasambahay at ang motibo sa pagpatay ay pagnanakaw.

Sinabi ni Caramat na nahuli na nila ang apat na suspek at ngayon ay nakakulong na habang pinaghahanap pa nila ang dalawa pa nitong kasamahan.

Base aniya sa isinagawa nilang  imbestigasyon katuwang ang Scene of the Crime Operative (SOCO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), naaktuhan umano ng 80-anyos na biktima ang mga suspek na nasa loob ng kanyang silid na nagnanakaw, kaya napilitan silang patayin ito.

Natukoy ang mga suspek sa tulong ng isa pang katulong na siyang nakakita sa mga suspek na pumasok sa silid ng biktima.

Narekober pa ng mga pulis sa quarters ng mga suspek ang mga damit na nilabhan, subalit may bakas pa rin ng mga dugo, na pinaniniwalaang mula sa biktima.

Sinabi rin ni Caramat na murder ang kasong isasampa sa mga nahuling suspek dahil hindi pa nila napapatunayan sa ngayon ang motibong pagnanakaw lalo’t walang nakitang nawawala sa mga gamit at pera ng biktima.

Una rito, natagpuang patay at puno ng saksak sa katawan si Judge Merrera sa loob ng silid sa kanyang bahay sa lungsod ng Dagupan kahapon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply