Pagpuslit ni FG sa Hong Kong pinabubusisi

PINABUBUSISI na ng Department of Justice (DOJ) kay Bureau of Immigration Commissioner Ricardo David ang lumalabas na ulat na hindi dumaan sa “usual immigration processes” si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa kaniyang paglabas ng bansa noong Hulyo 31.

Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, nais niyang malaman kung paano nakapuslit palabas ng bansa si Arroyo ng walang iniwang record sa immigration.

Naniniwala pa ang kalihim na maaaring may tumulong o kasabwat ang dating First Gentleman para maproseso ang travel documents nito patungong Hong Kong.

Subalit batay sa ulat, umalis umano ng bansa si Arroyo sa nabanggit na araw lulan ng Cathay Pacific flight.

Si Arroyo ay nagtungo sa Hong Kong para umano sumailalim sa medical check-up sa harap na rin ng imbitasyon dito ng Senate Blue Ribbon Committee para magpaliwanag sa pagkakadawit sa maanomalyang bentahan ng helicopters sa Philippine National Police (PNP).

Tiniyak naman mismo ni Arroyo na uuwi ito ng bansa sa susunod na linggo para harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Nanawagan si dating Presidential Son at ngayon ay Congressman JV Ejercito sa dating First Gentleman na harapin ang Senate hearing sa helicopter anomaly.

Pinababalik kaagad ni Ejercito si Arroyo sa bansa para direktang magpaliwanag sa usapin at marinig ng publiko ang panig nito.

Hindi na aniya ito nasorpresa nang magtungo si Arroyo sa Hong Kong dahil sa inaasahan na nito na gagamitin ng dating First Gentleman ang kalusugan para makatakas sa hearing.

Naniniwala rin si Ejercito na ang pag-alis nito ay indikasyon na guilty ito.

Nauna na ring hinimok ng Senado si Arroyo na dumalo ng hearing kung talagang nagpa-check up sa Hong Kong.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply