Pagtatakip sa mga paring manyak binatikos ng WGC

NANAWAGAN sa Department of Justice (DoJ) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Women and Gender Commission (WGC) na kalkalin nang maigi ang umano’y kalaswaan sa loob ng Simbahang Katolika.

Ito ay matapos lumutang ang mga biktima umano ng pang-aabusong sekswal ng ilang pari ng nasabing simbahan.

Sa panayam kay Merian P. Aldea, researcher ng WGC-Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP), 30 kaso ng pang-aabuso ang naitala ng grupo sa bansa sa 19 archdioceses, dioceses at prelatures mula 2000 hanggang 2004.

Sa kabuuang bilang ng mga kaso, 40 porsiyento ay rape at mahigit sa 50 porsiyento naman ay sexual harassment.

Karamihan sa mga biktima ay babae na nasa edad 20-30 anyos.

Iginiit ni Dr. Ernesto Pernia ng Forum for Family Planning and Development Inc. na dapat magkaroon ng reporma sa Simbahang Katolika matapos maungkat ang nasabing iskandalo.

Gayunpaman, inamin niya na hindi siya lumalaban sa Simbahan bagkus mga konstruktibong kritisismo lang umano ang ipinupukol sa layuning matawagan ng pansin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ayon kay Aldea, taong 2006 pa ipinasa ng WGC-AMRSP ang resulta ng pananaliksik sa CBCP ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin silang tugon sa nasabing isyu.

Giit naman ni Dr. Leticia Shahani, dating senador at adviser ng FFPD, hindi makakasuhan ang mga pari kung hindi lulutang sa korte ang mga biktima at kung wala silang suportang matatanggap sa mga pribadong grupong may malasakit sa kanilang karapatan.

Sinabi ni Shahani na hindi dapat asahan ang CBCP na mag-imbestiga sa kaso dahil tiyak na pagtatakpan lang umano ng pamunuan ang mga anomalyang nagaganap sa loob ng mismo ng simbahan.

Nag-ugat ang isyu matapos isiwalat ni Nila Bermisa ang pananakip ng CBCP sa mga kinasasangkutang iskandalong ilan sa mga pari sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply