Palasyo sa CPP: ‘Walang masama sa sinabi ni PNoy’

IDINEPENSA ng Malakanyang ang panawagan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) na magpakita ng katapatan sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng magkabilang panig.

“There is nothing wrong with what the President had said. Sincerity is the issue,” ang pahayag ni presidential spokesperson  Edwin Lacierda.

Nauna rito ay ipinahayag ng CPP na walang “moral highground” ang pamahalaan para sabihing dapat magpakita ng sinseridad ang NDF.

Ngunit sinabi ni Lacierda na ang makakaliwang puwersa ang dapat magpatunay na puro ang intensyon nitong mapigil na ang karahasan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng mga armadong rebelde.

“While the peace negotiations are ongoing, the CPP continues to assert that the talks are only in furtherance of their armed rebellion to overthrow government,” ani Lacierda.

Noong Lunes ay sinabi ni Pangulong Aquino na kailangang magpakita ng “gesture of goodwill and sincerity” ang komunistang grupo sa gobyerno dahil na rin sa serye ng pagdukot ng mga rebeldeng NPA.

Nauna rito, pinagalitan ng CPP ang administrasyong Aquino at igiit na ang NDF ay patuloy na nagpapakita ng kakayahan at determinasyon nito na makiisa sa negosasyon upang maresolba ang kawalan ng kapayapaan.

Para sa NDF, ang gobyerno ang bigong nagpakita ng good faith sa peace talks matapos nitong dakpin sina NDF peace consultants Tirso Alcantara noong Enero 4 at Alan Jazmines noong Pebrero 14.

Pinaratangan din ng NDF ang pamahalaan ng pagkabigong maisakatuparan ang obligasyon nito sa dapat sana’y pagpapalaya sa 17 NDF peace talks consultants.

“Alcantara was arrested while preliminary talks were going on while Jazmines was arrested hours before formal peace talks between the government and NDF panels were to resume in Oslo, Norway,” ang pahayag ng CPP.

Sa ulat, noong Hulyo,  tatlong NDF consultant lamang ang pinalaya ng pamahalaan at ito ay sina Jovencio Balweg, Jaime Soledad at Maria Luisa Pucray.

Sinabi ni Lacierda na ang ginawang pagpapalaya sa tatlo ay ginantihan ng kabilang puwersa ng pag-abduct sa apat na gwardiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at isang alkalde.

“We remind the NDF that the release of its consultants was never an obligation but (a) confidence-building (gesture) on the part of government to push the peace process forward,” anito.

Idinagdag pa nito na tumagal ang usapang pangkapayapaan ng mahigit sa 24 na taon subalit ang mahalagang usapin ay hindi pa kailanman napag-usapan dahil kapansin-pansin na ang pangunahing layunin ng CPP para sa usapang pangkapayapaan ay palayain muna ang kanilang mga nakabilanggong kasamahan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply