Akbayan kinastigo ni Senador Sotto

TAHASANG kinastigo ng isang senador ang grupo ng Akbayan na nagsusulong sa Reproductive Health Bill dahil pinepersonal na ang una na kumokontra sa panukala.

Sinabi ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, ang pamemersonal ng ilang pro-RH advocates ay indikasyon lamang sa kanilang pagiging pikon matapos nilang mahanapan ng butas ang posisyon ng nagsusulong ng panukala.

Binanggit ni Sotto na mula nang hamunin nila ang mga nagsusulong ng RH bill sa Senado na maglabas ng death certificate ng 11 nanay na namatay sa panganganak, binago naman ng Akbayan ang kanilang istratehiya at pinagbibitiw siya sa Senado.

“Oo naman (pikon sila). Mahina ang argument nila kaya iniiba strategy,” diin ng senador.

Ayon kay Sotto, wala lang mailabas na ebidensiya ang Akbayan na 11 nanay nga ang namamatay araw-araw sa panganganak kung kaya’t ibinaling nila ang atensyon sa pagpapa-resign sa kanya sa Senado.

Matatandaan na isa sa ginagamit na dahilan ng RH bill advocates ay 11 ina umano ang namamatay kada araw kung kaya’t mahalaga na mapagtibay na ang nasabing panukala.

Ani Sotto, ang nasabing datos ay ibinigay lamang ng United Nations (UN) sa mga nagsusulong ng RH Bill, pero wala umanong matibay na ebidensiya na ganito nga ang nangyayari sa ating bansa.

Pinayuhan pa ni Sotto ang mga nagsusulong ng RH bill na pagbutihan na lamang ang pagdepensa nila sa panukala, imbes na gumamit ng maruming taktika dahil hindi ito makatutulong upang makuha ang simpatiya ng mga kontra sa kontrobersyal na panukala.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply