Pamilya ng Pinoy sa Saudi death row umapela para sa blood money

PINATAWAD na ang isang OFW na nasa death row sa Saudi Arabia nitong nakaraang Pebrero sa pagkakapatay nito sa kaniyang amo subalit humihingi ang pamilya nito ng blood money sa halagang tatlong milyong dinar o P35 milyon upang makaligtas ang Pinoy sa hatol na bitay.

Hanggang katapusan na lamang ang ibinigay na palugit ng pamilya ng napatay na Arabo para makabayad ng blood money si Rogelio Dondon Lanuza na 11 taon nang nakakulong sa Dammam Jail sa salang pagpatay sa sarili nitong amo noong Agosto 2000. Hindi kinatigan ng korte sa Saudi ang depensa ni Lanuza na self -defense kaya’t hinatulan siya ng bitay.

Nagsusumamo naman ang pamilya ni Lanuza sa Pilipinas na tulungan si Dondon na makaligtas sa bitay at makalikom ng halaga dahil mabuting tao umano ang kanilng kaanak at biktima lamang ng tangkang panggagahasa ng kanyang among lalaki  kaya ito nakapatay.

Pinag-aaralan naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lubhang napakalaking blood money na hinihingi ng pamilya ng napatay sapagkat ayon sa batas ng Saudi ay 100,000 riyals lamang ang blood money sa mga kasong tulad nito o mahigit P1 milyon.

Hindi umano dapat mag-alala pa agad ang mga kaanak ni Lanuza ayon sa DFA dahil ayon sa Shariah Law ang pinakabatang anak ng biktima ang magdedesisyon kung itutuloy ang bitay pagsapit nito sa edad na 18 kung saan 14 anyos pa lamang ito sa impormasyong nakalap ng DFA at may apat na taon pang hindi ito makakapagpatibay sa hatol ng korte.

Aminado ang DFA na wala itong salapi para sa blood money ni Lanuza subalit ginagawa nito ang lahat para makipag-ayos sa mga awtoridad ng Saudi hinggil sa tamang halaga ng blood money at naaayon sa batas ng Shariah. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply