Parang kinakaskas na yero ang istilo ng pagkanta!

ABA, may magandang kanta naman pala si Angeline Quinto kung saan di sagad sa lalamunan ang pagkanta n’ya. Ito ay ang “Patuloy ang Pangarap,” na isang cut siguro sa debut album n’ya sa Star Records. Napanood namin ang music video n’ya sa MYX, at maayos nga ang pagkanta n’ya sa nasabing kanta.

Di gaya nung pagkanta n’ya sa theme song ng pelikulang “Way Back Home” na ang titulo ay ni hindi namin maalala dahil sa kunsumisyon nung pinatugtog nang pinatugtog sa press conference noon para sa nasabing pelikula nina Kathryn Bernardo at Julia Montes.

Actually, ang daming reporters noon na nakunsumisyon sa mala-kinakaskas na yerong istilo ng pagkanta ni Angeline sa theme song ng Way Back Home na inulit-ulit pa ngang patugtugin. May ilan nga sa aming mga reporter ang gustong hanapin kung saan naka-plug ang audio para i-unplug yon at magkaroon ng kapayapaan sa kapaligiran habang hinihintay naming magsimula ang press-con.

Isa pang ikinagulat namin, isang madaling araw ay yung husay ni Yeng Constantino sa revival n’ya ng “Paniwalaan Mo.” Iba pala siya pag hindi n’ya sariling komposisyon ang kinakanta n’ya. Nagkakaro’n siya ng istilo na hindi kasing jologs ng nakaugalian na n’ya (yung istilo n’ya sa Hawak Kamay na sarili n’yang komposisyon).

Actually, medyo naiba na rin nang konti yung istilo n’ya ng pagkanta sa “Siguro” na ang music video ay madalas naming mapanood sa MYX. At sa respective music videos nga pala ng “Paniwalaan Mo” at “Siguro,” hindi mukhang lesbyana si Yeng. Hindi namin alam kung kelan n’ya ginawa ang music video ng Paniwalaan Mo, pero mukhang slim siya ru’n. For awhile nga, akala namin ay si Nina siya sa ganda at husay kumanta.

Speaking of music videos, napanood n’yo na ba yung sa 20/20 ng Pupils na pinamumunuan ni Ely Buendia? Parang sa Magallanes interchange ng Edsa yon kinunan nung nakaraang Holy Week. Sa isang interbyu kamakailan lang sa MYX, ipinagtapat ng grupo na 2 minutes lang naman daw ipinahinto ang traffic du’n habang kumakanta at tumutugtog sila. Sweet naman ang grupo dahil nag-apologize pa sila in front of the camera para sa mga naabala nila sa 2 minutong yon. At konti lang naman siguro ang mga taong naabala dahil nga Holy Week.

Maraming bilib na bilib sa music video na yon dahil nga sa Edsa yon kinunan.

***

MERON bang network na may anti-dengue campaign na gumagamit ng mga sikat na artista nila para mas pansinin ng madla ang mga impormasyong inilalahad nila?

Baka naman meron at hindi lang namin natitiyempuhan na panoorin. Epidemya nang maituturing ang dengue kaya dapat lang na lahat ng nasa posisyon para magpaalala para maiwasan ito ay dapat na may gawin nga tungkol dito.

Kamakailan ay nakapanood kami ng interbyu sa ANC sa dalawang eksperto sa kalusugan. At ang sabi nung isa na gumawa ng pag-aaral tungkol du’n sa daytime mosquito na nagtuturok ng virus ng dengue sa mga tao na nakakagat nito, ang pinakamadalas pangitlugan ng lamok na ito ay ang patiktikan o patuluan ng tubig sa ilalim ng paminggalan (yung lalagyan ng mga malinis na plato at baso).

Mababaw lang ang mga patiktikan (shallow tray na kadalasan ay stainless steel) kaya konting-konting tubig lang ang pumapatak du’n araw-araw, pero kahit konti lang ang di maputik na tubig, pwede na itong lagakan ng lamok-dengue ng libu-libong itlog na di nakikita ng ating mga mata. Kailangang tanggalin ang tubig sa mga patiktikan bago mag-alas kuwatro ng hapon na siyang nakaugalian ng daytime mosquitoes na simula ng oras ng pangingitlog nila.

Noon ay narinig din namin sa isa pang TV program na maski nga yung sugpungan sa stem ng mahahaba at malalapad na dahon ng mga halaman, o mismong ang malalapad na dahon, ay pinangingitlugan ng mga lamok-dengue. Ipinapayo ng health authorities na yugyugin ng mga nakatira sa tabi ng mga malalaking halaman ang mga dahon at tangkay bago mag-4pm para di mapangitlugan ang mga iyon ng lamok.

Actually, lahat ng objects sa ating paligid natutubigan ng ulan o ng dew ay kailangang takpan o tuyuin araw-araw para di mapangitlugan yon ng mga lamok. Kalinisan at kaayusan sa kapaligiran at pamamahay ang pinakamabisang panlaban sa dengue.

Mabuhay ang mga network na naglalaan ng airtime sa pag-iimporma tungkol sa dengue may sponsor man ito o wala!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply