Pasalubong na ginto

SA international competition na ginanap sa Florida, USA, ang 10th World Dragon Boat Racing Championship, nakasungkit ng apat na medalya ang Philippine team, tatlo sa medalyang ito ay ginto! Ito na ang pinakamaraming medalya, at pinakamaraming ginto, na nakamit ng isang Filipinong koponan mula sa isang pandaigdigang kompetisyon.

Ang galing-galing ng ating dragon boat team!

Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanalo ang Philippine Dragon Boat team. May mga korona na silang hawak mula sa ibang international competitions.

May mga ginto na silang naiuwi noon pa at nagdala na sila ng hindi matatawarang karangalan sa Pilipinas.

Kaya dapat ay bigyan din ng atensyon ang Philippine Dragon Boat team kagaya ng atensyon na ibinibigay sa ibang koponan, na ang ilan ay hindi pa naman naka-pag-uuwi ng  kahit isang ginto para sa bayan.

Kumpara sa ibang international team sports gaya ng basketball at football, ang ugat ng kasaysayan ng dragon boat racing ay mas malapit dapat sa puso ng mga Filipino bilang isang bansa sa Asya.

Kahit bata pa ang sport na ito kumpara sa ibang sports ay napatunayan na ng ating koponan ang kanilang potensyal na maghakot ng maraming-maraming ginto.

Kung susuportahan lang sana sila ng ating pamahalaan, kung pasisikatin lang din sana sila ng mga advertiser.

Ang laking hirap ng ating dragon boat team para lang makamit ang tagumpay. Madalas wala silang pera, madalas wala halos pumapansin sa kanila at sa tuwing aalis sila ng bansa para lumaban ay kanya-kanya sila ng hanap ng pamasahe, kanya-kanya ng hanap ng sponsors.

Dapat may heroes’ welcome din sila, dapat may parada rin sa buong Metro Manila pagbabalik ng mga kampeon.

Mataba ang aking puso sa inaaning tagumpay ng Philippine Dragon Boat team dahil isa ako sa masigasig nilang suporters.

Noon pa mang Majority Floor Leader ako ng Konseho ng Lung-sod ng Quezon ay sinusuportahan ko na sila at mga koponang Filipino na humihingi ng tulong para sa ka-nilang mga laban sa ibang bansa. Mabuhay ang atletang Filipino.

Kayo sang-ayon ba kayo na iangat ng gobyerno ang pinansyal na suporta para sa ating mga atleta?

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply