Patay sa dengue sa Quezon City 28 na

DALAWAMPU’T WALO na ang bilang ng namatay sa dengue habang patuloy pa rin ang pagdami pa ng pasyenteng may taglay ng naturang sakit sa Quezon City.

Gayunpaman, hindi pa rin idinideklara ng pamahalaang lungsod ang dengue outbreak sapagkat hindi naman umano sa iisang lugar lamang naitala ang nasabing kaso.

Sinabi ni Dr. Antonietta Inumerable, Chief ng Quezon City Health Office, umaabot na sa 3, 447 ang naitatalang kaso ng dengue sa lungsod mula Enero hanggang Agosto, na mas mataas ng 1,264 kumpara sa parehong peryodo ng nakaraang taon.

Dahil dito, inilagay na sa alert threshold level ang buong syudad dahil sa patuloy pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima ng sakit.

Ibig sabihin, lumagpas na sa usual number ng kaso ang naitala sa lungsod ngunit hindi pa rin nito naaabot ang epidemic proportion sa bansa.

Ayon sa QCHO, patuloy nilang tinututukan ang mga lugar ng Bagbag, San Bartolome, Gulud, Commonwealth, Batasan Hills at Holy Spirit na kapwa nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng sakit sa lungsod.

Suhestyon ng pamunuan ng lungsod, na mas mainam magsuot ng damit na may mahahabang manggas at padyama o pantalon upang makaiwas sa kagat ng lamok na may dalang virus.

Patuloy pa rin ang kampanya ng Department of Health DOH sa mga residente sa bansa na mag-ingat at laging siguruhin ang kapakanan ng bawat myembro ng pamilya upang mapigilan ang pagkalat ng epidemya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply