Payola sa illegal terminals paiimbestigahan

HINILING ni National Capital Region-Land Transportation Office Director Atty. Teofilo “Jojo” Guadiz III sa Investigation Division ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na imbestigahan ang umano’y payola sa ahensiya na kinasasangkutan ng ilan nilang traffic enforcer.

Ayon kay Director Guadiz, gusto niyang malaman kung totoo ang impormasyon na ilang enforcers ng ahensiya sa NCR na sangkot at tumatanggap ng lingguhang payola sa mga iligal na terminal at mga colorum na sasakyan.

Sinabi ni Guadiz na nakarating sa kanyang kaalaman na may taong nagpupunta sa ahensiya at naghahatid ng lingguhang payola na umaabot sa hanggang P40,000 bawat terminal.

Dahil dito, hiniling niya sa DOTC-ID siyasatin ang isyu dahil lumalala na aniya ito at dumarami na ang natatanggap na reklamo.

“Para malaman na rin natin kung totoo yung mga allegation kasi nadadamay ang ahensiya kahit walang kinalaman,” ani Guadiz.

Kasunod nito, binalaan ni Guadiz ang mga empleyado ng NCR-LTO na umiwas sa mga maling gawain at hindi aniya siya mangingiming sibakin sa serbisyo ang sino mang mapatutunayang masasangkot sa iregularidad.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply