Philippine Dragon Boat Team nilapastangan

OKAY lang kung ayaw ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) na parangalan ang Philippine Dragon Boat sa pananatiling champion ng 10th World Dragon Boat Racing competition sa Tampa, Florida.

Bukod sa pagiging defending champion ng Dragon Boat Team natin ay nakakuha pa sila ng limang ginto at dalawang silver sa labanang iyon na binalewala naman ng mga matatandang sports official natin dahil gurang na raw ang mga miyembro ng ating team.

Nakahihiya ang inasal ng sports officials natin na kung tutuusin ay hindi na dapat isali sa POC at PSC dahil mismong mga opisyal na ito na pawang mga pulitiko ay mas matanda pa at sa palagay ko ay mga lampa na.

Ang sabi ni President PNoy, gagawa raw siya ng paraan para maalis ang pulitika sa sports. Dapat naman, pero kaya ba ni PNoy na alisin sa puwesto ang kanyang uncle na si Peping Cojuangco, dating congressman at ngayon ay pinuno ng Olympic committee? Kaya ba niyang tanggalin sa puwesto ang mga miyembro ng PSC?

Nakiusap si PNoy sa mga pulitiko na sa pulitika na lang sila mag concentrate at hindi sa sports, pero sino ang susunod sa panawagan ng ating Pangulo?

Wika niya sa Philippine Dragon Boat Team: “Tinitiyak ko sa inyo ang gobyernong ito ay laging nasa likod ninyo.”

Mr. President, baka mapahiya na naman kayo. Kung hindi ninyo napapansin, marami sa inyong mga tauhan ang hindi naman sumusunod sa inyo.

Nangako rin ang Presidente na magbibigay siya ng monetary reward sa mga lumahok sa competition na yan, pero ang tanong, kailan ninyo ibibigay ang pabuya?

Mabuti pa ang House of Representatives, nangako agad na magbibigay ito ng higit sa P1 milyon para sa Philippine Dragon Team. Sana, kung magbibigay kayo sa kanila ay ibigay na agad. Baka naman puro press release na lang ang matikman ng ating mga atleta?

“Kakausapin ko ang Philippine Sports Commission tungkol sa reward na ito,” pangako ni PNoy.  Bakit pa, sir, matapos kutsain ng PSC ang Dragon Team natin? Wala bang sariling pera ang Palasyo para sa karangalang ibinigay natin sa ating mga boat racers?

Wala bang sariling pera si PNoy na maiaambag sa ating team? Yung mga iba nga, hindi naman taga gobyerno at lalong hindi naman mayaman, ay kusang tumulong sa ating team ng walang press release na kaakibat, bakit hindi ang ating mga pinuno?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply