Pilipinas naiipit sa 2 bagyo

NAPAPAGITNAAN ng dalawang bagyo ang Pilipinas habang isa pang bagyo naman ang gumigireng pumasok sa teritoryo ng bansa.

Sa panayam kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Graciano Yumul, nasa bandang Silangan ang napakalawak at malakas na bagyong Kabayan habang sa bandang Kanluran naman ang papahina nang bagyong Lando.

Ayon kay Yumul, bagamat hindi direktang nakakaapekto sa bansa ang dalawang bagyo, pinaiigting naman sila ng hanging Habagat na nagiging dahilan ng mga pag-ulan sa Luzon at Visayas kasama kabilang na ang Metro Manila.

Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang sentro ni Typhoon Kabayan sa layong 1,160 kilometro Silangan Hilagang Silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hanging 175 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 210 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito pa-Hilaga Hilagang Kanluran sa bilis na siyam na kilometro bawat oras.

Sa ulat ng DOST, kung hindi magbabagoa y posibleng lumabas na sa Philippine Area of Responsibility si Kabayan bukas ng umaga.

Halos hindi naman gumagalaw sa West Philippine Sea ang Tropical Depression Lando na huling nakita ang sentro sa 280 kilometro Kanluran Timog-Kanluran ng Laoag City at mabagal na kumikilos pa-Hilaga Hilagang Kanluran.

Inaasahang babasagin ni Lando si Kabayan kung patuloy na kikilos ito sa direksyong patungo sa Batanes, ngayong araw.

Samantala, sinabi ng PAGASA na posibleng mabuong bagyo ang namataang Low Pressure Area (LPA) na kasunod ni Kabayan na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa Linggo, Agosto 7.

Tatawaging Tropical Depression “Mina” ang namumuong sama ng panahon kung di magbabago ang direksyon at  tutumbukin nito ang Bicol Region.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply