Pinoy chessers sa Malaysia naubos sa penultimate round

TAMEME ang mga Pinoy Woodpushers matapos ang penultimate round ng nagaganap na 2011 8th Dato’ Arthur Tan Malaysia open sa Malaysia kagabi, Agosto 23.

Nabigo sina GM Roland Salvador, IMs Oliver Barbosa at Oliver Dimakiling sa eighth round kaya naman nawala ang tsansa nilang makuha ang titulo sa nasabing event.

Matapos ang round seven, kasalo si No. 5 seed Salvador sa third to fifth spot na may 5.5 puntos kung saan sina GMs Shilong Li, (elo 2520)  at Rui Wang, (elo 2436) na mga taga-China ang humahawak ng liderato na may 6 pts.

Sina Barbosa, (elo 2514) at Dimakiling, (elo 2414) ay kasalo naman sa sixth to 15th places na may 5 puntos.

Nasibak si Salvador, (elo 2527) kay Li habang sina Barbosa at Dimakiling ay natalo kina IM Duc Hoa Nguyen, (elo 2452) ng Vietnam at WGM Wenjun Ju, (elo 2515) ng China ayon sa pagkakasunod.

Naisalba ni ranked no. 2 GM Joseph Sanchez, (elo 2534) ang kamalasang tinamo ng Pinoy bets matapos nitong pisakin si Jahongir Vakhidov, (elo 2392) ng Uzbekistan habang nakipaghatian ng puntos sina IMs Rolando Nolte at Richard Bitoon kina GM Hai Thien Dao, (2492) ng Vietnam at Ruiyuan Yu, (elo 2431) ng China.

Dahil sa pagkatalo ni Salvador bumagsak ito sa seventh to 15th places kung saan ay kasalo niya sina Nolte, Bitoon at Sanchez.

Kailangan manalo nina Salvador, Nolte, Bitoon at Sanchez sa ninth at final round upang makapasok sa top 10 sa event kung saan ay ipinatupad ang nine rounds swiss system format.

Kaya lamang maaaring dalawa sa kanila ang makapasok sa top 10 dahil nakatakda silang magpisakan sa huling laro.

Makakaharap ni Sanchez si Bitoon sa board 4 habang sa board six sina Nolte at Salvador.

Si Li ang may hawak ng solo liderato na may 7 puntos.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply