Pinoy delegates sa WYD na-harass sa Spain

NAKARANAS umano ng pangha-harass at matinding cultural shock mula sa mga Anti-Catholic protesters ang ilang delegado ng Pilipinas sa idinaraos na World Youth Day (WYD) activities sa Madrid, Spain.

Batay sa natanggap na ulat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kabilang sa ginawang harassment ay mga provocative chants at obscenities na ang ilang insidente ay nauwi sa mainitang komprontasyon.

Labis naman ang pagtataka ng mga delegado dahil ang mga Espanyol anila ang naghatid ng Kristiyanismo sa Pilipinas ngunit ngayon ay napakaraming taong anti-Christian sa naturang bansa.

Nabatid na nagtatanong umano ng direksiyon sa isang pharmacist sa Alcorcon, Spain ang delegadong si Jan Dell Posion kasama si Fr. Ransom Rapirap, nang makita sila ng isang Spanish man at nakilala silang mga delegado ng WYD.  Bigla na lang umano silang pinagsisigawan at pinagmumura nito.

Nagkaroon naman umano ng direktang komprontasyon si J.C. Perez, isang Jesuit novice sa ilalim ng Archdiocese of Manila, sa isang anti-Catholic at mga anti-Pope protesters, habang ang mga Pinoy delegates mula sa Dubai na sina Chris Asero, 28, at Rome Jarlego, 27, ay naglalakad umano sa Sol, Madrid, noong Miyerkules nang makakita ng mga protesters na nangha-harass ng mga Italian, German at French WYD delegates.

Sa kabila naman nito, naniniwala ang mga Pinoy delegates na ang encounter nila sa mga nagpu-protesta ay isang personal na mensahe mula sa Panginoon na lalo pang maging matibay ang pananampalataya lalo na sa modernong panahon ngayon.

Sinasabing kaya nagpu-protesta ang mga anti-Christian ay tutol ang mga ito sa paggastos ng pamahalaan sa paggastos ng pamahalaang Spain bilang host ng WYD.

Iginiit naman ng mga delegado na hindi pinondohan ng Spanish government ang WYD dahil bawat delegado ay gumastos ng $500 bilang registration fee para sa naturang pagtitipon.

Nanindigan din ang mga delegado na malaking tulong pa nga sa ekonomiya at turismo ng Spain ang pagdaraos doon ng WYD dahil sa pagbuhos ng maraming turista.

Samantala, hinimok naman ni Fr. Conegundo Garganta, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth at lider ng ECY-Philippines delegation, ang mga delegado na huwag magreklamo sa mga hirap na nararanasan sa naturang WYD at sa halip ay tingnan ang magandang karanasang bigay nito sa kanila.

Paliwanag niya, ang pilgrimage ay may layuning maiparanas sa kanila ang paghihirap at sakripisyo upang ma-purify ang kanilang intensiyon at motibasyon.

“This pilgrimage is meant for us to experience suffering and sacrifices as a way of purifying our intentions and motivation. It is a form of penance and we have to be open to the discomfort and pain that we will experience during WYD and offer this sacrifice to God,” giit pa ni Garganta.

“Ours is not a perfect delegation. There are expressions of discomfort and inconvenience. But if after their WYD experience, what lingers is the complaint and not the meaning of it, it is a loss on their part,” aniya pa. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply